Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 4:8-30

Juan 4:8-30 RTPV05

Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan. Sinabi sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako! Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano. Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka naman niya ng tubig na nagbibigay-buhay.” Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang panalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?” Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.” “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus. “Wala akong asawa,” sagot ng babae. Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” Sinabi ng babae, “Ginoo, isa kang propeta, hindi nga ba? Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.” Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang kinalulugdan ng Ama. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.” Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.” “Ako na kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus. Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nabigla sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?” Iniwanan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?” Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus.

Kaugnay na Video