Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.”
“Sasama kami,” sabi nila.
Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?”
“Wala po,” sagot nila.
“Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo,” sabi ni Jesus.
Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!”
Nang marinig ito ni Simon Pedro, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. Dumaong sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka na hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa baga, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Jesus. Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; 153 ang lahat ng nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. “Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda.
Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.
Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?”
“Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya.
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga tupa.” Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”
Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.”
Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?”
Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?”
At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na di mo gusto.”