Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y “Lugar ng Bungo,” Golgotha sa wikang Hebreo. Pagdating doon, siya'y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Isinulat ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lunsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. Kaya't ipinagpilitan ng mga punong pari kay Pilato, “Hindi sana ninyo isinulat ang ‘Ang Hari ng mga Judio’, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”
Ngunit sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko'y naisulat ko na.”
Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang panlabas na kasuotan at pinaghati-hati sa apat. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Kaya't nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; daanin na lamang natin sa palabunutan para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan,
“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan;
at nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang aking damit.”
Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal.
Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ina, ituring mo siyang sariling anak!”
At sinabi niya sa alagad, “Ituring mo siyang iyong ina!” Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.
Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!”
May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Jesus. Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na ito, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad dumaloy ang dugo at tubig. Ang nakakita nito ang nagpahayag upang kayo'y maniwala. Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” At may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, “Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.”
Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus, ngunit palihim lamang dahil sa takot niya sa mga Judio. Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. Kasama rin niya si Nicodemo, ang taong nagsadya kay Jesus isang gabi. May dala siyang pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango habang binabalot sa isang mamahaling tela, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus.