Muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang mga Israelita, kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Midianita sa loob ng pitong taon. Higit na makapangyarihan ang mga Midianita kaysa sa mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita ay nagsipagtago sa mga kuweba at sa mga kabundukan. Tuwing magtatanim ang mga Israelita sa kanilang mga bukirin, sinasalakay sila ng mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi galing sa disyerto. Nagkakampo ang mga ito sa lupain at sinisira ang mga pananim doon hanggang sa may Gaza. Wala silang itinitirang anuman na maaaring pakinabangan ng mga Israelita sapagkat kinukuha nilang lahat pati ang mga tupa, baka at asno. Dumarating silang parang makapal na balang kasama ang kanilang mga baka, tolda at mga kamelyong hindi mabilang sa dami, at sinisira ang lupain. Walang magawâ ang mga Israelita, kaya humingi sila ng tulong kay Yahweh.
Nang marinig ni Yahweh ang pagdaing ng mga Israelita dahil sa pagpapahirap ng mga Midianita, sila'y pinadalhan niya ng propeta at ipinasabi ang ganito: “Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa kanilang pang-aalipin, at sa lahat ng inyong kaaway. Natalo ninyo sila at ibinigay sa inyo ang kanilang lupain. Sinabi ko na sa inyo na ako si Yahweh na inyong Diyos at hindi kayo dapat sumamba sa mga diyos ng mga Amoreo, sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.”
Dumating sa Ofra ang anghel ni Yahweh at naupo sa ilalim ng malaking puno na pag-aari ni Joas na buhat sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik upang hindi siya makita ng mga Midianita. Nagpakita sa kanya ang anghel ni Yahweh at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo si Yahweh, magiting na lalaki.”
Sumagot si Gideon, “Mawalang-galang na po. Kung talagang kasama namin si Yahweh, bakit ganito ang nangyayari sa amin? Nasaan na ngayon ang mga kababalaghang ginawa niya noon gaya ng ikinuwento sa amin ng aming mga ninuno, kung paanong sila'y iniligtas niya sa Egipto? Pinabayaan na kami ni Yahweh sa kamay ng mga Midianita.”
Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo upang iligtas ang Israel mula sa mga Midianita. Ako mismo ang nagsusugo sa iyo.”
Sumagot si Gideon, “Ngunit Panginoon, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming angkan ang pinakamahina sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakahamak sa pamilya namin.”
Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Makakaya mo ito sapagkat tutulungan kita. Matatalo mo ang mga Midianitang ito na para ka lang lumaban sa isang tao.”
Sumagot si Gideon, “Kung ako po ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. Huwag po muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”
“Hihintayin kita,” sagot ni Yahweh.
Umuwi nga si Gideon at nagluto ng isang batang kambing at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa mula sa limang salop na harina. Pagkaluto, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ni Yahweh sa ilalim ng malaking puno. Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong ito ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, buhusan mo ng sabaw.” Iyon nga ang ginawa ni Gideon. Ang karne at ang tinapay ay hinawakan ng anghel ni Yahweh sa pamamagitan ng tungkod. May lumabas na apoy mula sa bato at nasunog ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, ang anghel ni Yahweh ay nawala sa kanyang paningin.
Saka pa lamang naunawaan ni Gideon na anghel nga ni Yahweh ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at sinabi, “Panginoong Yahweh tulungan mo po ako! Harap-harapan kong nakita ang iyong anghel!”
Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huminahon ka. Huwag kang matakot. Hindi ka mamamatay.”
At si Gideon ay nagtayo roon ng isang altar para kay Yahweh na tinawag niyang, “Si Yahweh ay Kapayapaan.” (Hanggang ngayon ay naroon pa sa Ofra ang altar, sa lugar na sakop ng angkan ni Abiezer.)
Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, at isa pang toro na pitong taóng gulang. Gibain mo ang altar ni Baal na ipinagawa ng iyong ama at putulin mo ang rebulto ni Ashera sa tabi nito. Pagkatapos, magpatung-patong ka ng mga bato sa ibabaw ng burol na ito bilang altar para kay Yahweh na iyong Diyos. Pagputul-putulin mo ang rebulto ni Ashera at gawin mong panggatong sa ibabaw ng altar. Ialay mo roon ang pangalawang toro ng iyong ama bilang handog na sinusunog.” Kaya't isinama ni Gideon ang sampu sa kanyang mga tagapaglingkod at ginawa ang sinabi sa kanya ni Yahweh. Gabi nang gawin niya ito sapagkat natatakot siya sa kanyang pamilya at sa mga taong-bayan.
Kinabukasan ng madaling-araw, nakita na lamang ng mga tao na wasak na ang altar ni Baal at putul-putol na ang rebulto ni Ashera na ipinanggatong sa pangalawang toro na sinunog sa altar na itinayo roon. Nagtanungan sila, “Sino kaya ang may kagagawan nito?” Nagsiyasat sila at nalaman nilang si Gideon na anak ni Joas ang may kagagawan niyon. Sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo rito ang anak mo at papatayin namin. Giniba niya ang altar ni Baal at pinagputul-putol ang rebulto ni Ashera sa tabi ng altar.”
Sumagot si Joas, “Ipinaglalaban ba ninyo si Baal? Ipinagtatanggol n'yo ba siya? Sinumang makipaglaban para sa kanya ay papatayin bago mag-umaga. Kung siya'y talagang diyos, hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Di ba't kanyang altar ang giniba?” Mula noon, si Gideon ay tinaguriang Jerubaal dahil sa sinabi ni Joas na, “Hayaan ninyong ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili. Hindi ba't sa kanya naman ang altar na giniba?”
Ang mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi sa silangan ay sama-samang tumawid sa Ilog Jordan at nagkampo sa Libis ng Jezreel. Lumukob kay Gideon ang Espiritu ni Yahweh; hinipan niya ang trumpeta bilang hudyat na sumunod sa kanya ang mga kalalakihan ng angkan ni Abiezer. Nagpadala siya ng mga sugo sa buong nasasakupan ng mga lipi nina Manases, Asher, Zebulun at Neftali upang makiisa sa kanya ang mga liping ito. Nagpasya namang sumama ang mga ito kay Gideon.