Dumarating ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan, dala ang gantimpala sa mga hinirang. At tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan; sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin. Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin, at papatnubayan ang mga tupang may supling. Sino ang makakasukat ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang kamay? Sino ang makakasukat sa lawak ng kalangitan? Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang sisidlan? Sino kaya ang makakapagtimbang sa mga bundok at burol? Sino ang makakapagsabi ng dapat gawin ni Yahweh? May makakapagturo ba o makakapagpayo sa kanya? Sino ang kanyang puwedeng sanggunian para maliwanagan? Sinong nagturo sa kanya ng landas ng katarungan? Sinong nagkaloob sa kanya ng kaalaman at ng paraan upang makaunawa? Sa harap ni Yahweh ang mga bansa ay walang kabuluhan, tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan; at ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang. Hindi sapat na panggatong ang lahat ng kahoy sa Lebanon. Kulang pang panghandog ang lahat ng hayop sa gubat roon. Sa kanyang harapan, ay walang halaga ang lahat ng bansa. Saan ninyo ihahambing ang Diyos at kanino ninyo siya itutulad? Siya ba'y maihahambing sa mga imaheng ginawa ng tao, na binalutan ng ginto, at ipinatong sa pilak? Hindi rin siya maitutulad sa rebultong kahoy matigas man ang kahoy at hindi nabubulok, na nililok upang hindi tumumba at mabibili lang sa murang halaga. Hindi ba ninyo nalalaman? Wala bang nagbalita sa inyo noon, kung paano nagsimulang likhain ang sanlibutan? Ang lumikha nito ay ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono doon sa kalangitan; mula roon ang tingin sa tao'y parang mga langgam. Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina, tulad ng tolda upang matirahan. Inaalis niya ang mga pinuno sa kapangyarihan, at ginagawang walang kabuluhan. Tulad nila'y mga halamang walang ugat, bagong tanim at natutuyo agad; at tila dayaming tinatangay ng hangin. Kanino ninyo ihahambing ang banal na Diyos? Mayroon ba siyang katulad? Tumingala kayo sa langit! Sino ba ang lumikha ng mga bituin? Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos, at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan? Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan, walang nawala sa kanila kahit isa man. Israel, bakit ka ba nagrereklamo na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo, o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan? Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig? Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos, ang siyang lumikha ng buong daigdig? Hindi siya napapagod; sa isipan niya'y walang makakaunawa. Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas. Kahit na ang mga kabataan ay napapagod at nanlulupaypay. Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Basahin Isaias 40
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Isaias 40:10-31
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas