Ngunit anong nangyari at nahulog ka sa daigdig ng mga patay? Sa kalalimang walang hanggan? Pagmamasdan ka ng mga patay at magtatanong ang mga ito: ‘Hindi ba ang taong ito ang nagpayanig sa lupa, at nagpabagsak sa mga kaharian? Hindi ba't winasak niya ang buong daigdig, at nilupig ang mga lunsod, ang taong ayaw palayain ang mga bilanggo? Lahat ng hari ng mga bansa'y mahihimlay sa magagara nilang puntod. Ngunit ikaw ay hindi ililibing sa iyong libingan, ang bangkay mo'y itatapon na parang sangang walang kabuluhan. Tatabunan ka ng mga bangkay ng mga napatay sa digmaan. Ihuhulog kang kasama ng mga iyon sa mabatong hukay, matutulad ka sa bangkay na tinatapak-tapakan. Hindi ka malilibing na tulad ng ibang hari, sapagkat winasak mo ang iyong sariling bayan at nilipol mo ang iyong sariling nasasakupan. Walang makakaligtas sa iyong masamang sambahayang tulad mo. Simulan na ang paglipol sa kanyang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang ama! Hindi na sila muling maghahari sa mundo, o maninirahan sa mga lunsod sa lupa.’” Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Uusigin ko sila, at uubusin ko ang natitira sa kanilang lahi. Buburahin ko rin ang pangalan ng Babilonia. Gagawin ko siyang isang latian, at tirahan ng mga kuwago. Wawalisin ko siya at pupuksain,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Sumumpa si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Mangyayari ang aking balak, matutupad ang aking layon; lilipulin ko ang mga taga-Asiria sa aking lupain, dudurugin ko siya sa aking kabundukan. Palalayain ko ang aking bayan sa kanilang pang-aalipin, at sa mabigat na pasaning kanilang dinadala. Ito ang gagawin ko sa buong daigdig, paparusahan ko na ang lahat ng bansa.” Sino ang tututol sa pasya ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat? Sino ang pipigil sa kanyang pagpaparusa? Ang mensaheng ito'y nahayag noong taóng mamatay si Haring Ahaz. Huwag mo munang ipagdiwang, bayang Filistia, ang pagkabali ng pamalong inihampas sa iyo, sapagkat sa lahi ng ahas maaaring lumitaw ang ulupong, at mag-aanak ito ng lumilipad na dragon. Ang mga mahihirap ay bibigyan ko ng pagkain, at ang mga nangangailanga'y panatag na mamamahinga; pababayaan kong mamatay ng gutom ang iyong lahi, at lilipulin ko ang matitira. Manangis kayo buong bayan, managhoy ang lahat ng mga lunsod ninyo; manginig kayo sa takot, Filistia. Pumapailanlang ang alikabok mula sa dakong hilaga, sapagkat dumarating na ang matatapang na kawal. Ano ang isasagot sa mga mensahero ng bansang iyon? “Si Yahweh ang nagtatag ng Zion, at ang mga kawawang nagdurusa sa kanyang bayan, nakakasumpong ng matibay na tanggulan.”
Basahin Isaias 14
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Isaias 14:15-32
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas