Habakuk 3
3
Ang Panalangin ni Habakuk
1Ito ay panalangin ni Propeta Habakuk:#1 HABAKUK: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na ayon kay Sigionot.
2O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa,
at ako'y lubos na humanga.
Ulitin ninyo ngayon sa aming panahon
ang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon.
Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit.
3Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman,
ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran.
Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian,
at puno ang lupa ng papuri sa kanya.
4Darating siyang sinliwanag ng kidlat,
na gumuguhit mula sa kanyang kamay;
at doon natatago ang kanyang kapangyarihan.
5Nagpapadala siya ng karamdaman
at inuutusan ang kamatayan upang sumunod sa kanya.
6Huminto siya at nayanig ang lupa;
sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa.
Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat;
ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog—
mga daang nilakaran niya noong unang panahon.
7Nakita kong natakot ang mga tao sa Cusan,
at nanginig ang lahat sa lupain ng Midian.
8Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh?
Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot?
Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo,
at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe,
habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan.
9Binunot ninyo sa suksukan ang inyong pana,
at inihanda ang inyong mga palaso.
Biniyak ng inyong kidlat ang lupa.
10Nakita kayo ng mga bundok at sila'y nanginig;
bumuhos ang malakas na ulan.
Umapaw ang tubig mula sa kalaliman,
at tumaas ang along naglalakihan.
11Ang araw at ang buwan ay huminto
dahil sa bilis ng inyong pana at sibat.
12Galit na galit kayong naglakad sa buong daigdig,
at sa tindi ng poot ninyo, ang mga bansa ay niyurakan.
13Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan,
at ang haring pinili ninyo.
Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama,
at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.
14Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma,
nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin.
Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha.
15Niyurakan ninyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong mga kabayo,
at bumula ang malawak na karagatan.
16Narinig kong lahat ito at ako'y nanginig;
nangatal ang aking mga labi dahil sa takot.
Nanghina ang aking katawan,
at ako'y nalugmok.
Tahimik kong hihintayin ang takdang panahon
ng pagpaparusa ng Diyos sa mga umapi sa amin.
17Bagama't di namumunga ang puno ng igos
at hindi rin namumunga ang mga ubas,
kahit na maantala ang pamumunga ng olibo
at walang anihin sa mga bukirin,
kahit na mamatay lahat ang mga tupa
at mawala ang mga baka sa kulungan,
18magagalak pa rin ako at magsasaya,
dahil si Yahweh ang Diyos na magliligtas sa akin.
19Ang#2 Sam. 22:34; Awit 18:33. Panginoong Yahweh ang sa aki'y nagpapalakas.
Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang,
inaalalayan niya ako sa mga kabundukan.
Kasalukuyang Napili:
Habakuk 3: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society