Genesis 41
41
Ipinaliwanag ni Jose ang mga Panaginip ng Faraon
1Pagkaraan ng dalawang taon, ang Faraon naman ang nanaginip. Napanaginipan niyang siya'y nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 2Walang anu-ano'y may pitong magaganda't matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain ng damo. 3-4Umahon din mula sa ilog na iyon ang pitong pangit at payat na baka. Lumapit ang mga ito at kinain ang pitong matatabang baka. At nagising ang Faraon. 5Nakatulog siyang muli at nanaginip na naman. May pitong uhay na tumubo sa isang puno ng trigo. Malalaki at matataba ang mga butil nito. 6Pagkatapos, may sumibol na pitong uhay. Ang mga ito ay payat at tuyot ang mga butil dahil sa hampas ng hanging silangan. 7Kinain ng mga payat ang matatabang uhay, at muling nagising ang Faraon. Noon niya nalamang siya pala'y nananaginip. 8Pagsapit#Dan. 2:2 ng umaga, nabagabag siya, kaya't ipinatawag niyang lahat ang mga salamangkero at mga matatalinong tao sa buong Egipto. Isinalaysay niya ang kanyang mga panaginip, ngunit isa ma'y walang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga ito.
9Lumapit sa Faraon ang tagapangasiwa ng mga inumin at sinabi sa kanya, “Ako po'y may malaking pagkukulang na nagawa. 10Nang magalit po kayo sa amin ng punong panadero at ipabilanggo ninyo kami sa tahanan ng kapitan ng mga tanod, 11kami po'y parehong nanaginip. 12Isa pong binatang Hebreo na alipin ng kapitan ng mga tanod ang kasama namin doon. Siya po ang nagpaliwanag ng aming panaginip. 13Sinabi po niyang ako'y mababalik sa tungkulin at ang punong panadero'y bibitayin; nangyari pong lahat ang kanyang sinabi.”
14Ipinatawag agad ng Faraon si Jose. Nang mailabas na sa bilangguan, siya'y nag-ahit, nagbihis at kaagad humarap sa hari. 15Sinabi ng Faraon sa kanya, “Ako'y nanaginip ngunit walang makapagsabi sa akin ng kahulugan niyon. Nabalitaan kong mahusay kang magpaliwanag ng mga panaginip.”
16“Hindi po ako ang makapagpapaliwanag, kamahalan,” sabi ni Jose. “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.”
17Sinabi ng Faraon, “Ako raw ay nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 18May pitong magaganda at matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain. 19Walang anu-ano'y pitong mga payat na baka, pinakapangit na sa nakita ko sa buong Egipto, ang umahon din sa ilog. 20Kinain ng mga payat ang matatabang baka, 21ngunit parang walang anumang nangyari. Matapos kainin ang matataba, iyon pa rin ang ayos ng mga payat, napakapangit pa rin, at ako'y nagising. 22Muli akong nakatulog at nanaginip na naman. May nakita akong pitong uhay sa isang puno ng trigo na hitik na hitik ng hinog na butil. 23Sa puno ring ito, may sumibol na pitong uhay, ngunit lanta, napakapayat ng mga butil, at tinuyo ng hanging silangan. 24Kinain ng mga payat na uhay ang matataba. Isinalaysay ko na ito sa mga salamangkero, ngunit walang makapagpaliwanag sa akin.”
25“Iisa po ang kahulugan ng dalawa ninyong panaginip,” sabi ni Jose. “Ipinapaalam sa inyo ng Diyos kung ano ang kanyang gagawin. 26Ang pitong matatabang baka po ay pitong taon; iyon din po ang kahulugan ng pitong uhay na matataba ang butil. 27Ang sinasabi ninyong pitong payat na baka at ang pitong uhay na payat ang mga butil ay pitong taon ng taggutom. 28Gaya ng sinabi ko sa inyo, iyan po ang gagawin ng Diyos. 29Magkakaroon ng pitong taóng kasaganaan sa buong Egipto. 30Ang kasunod naman nito'y pitong taon ng taggutom at dahil sa kapinsalaang idudulot nito, malilimutan na sa Egipto ang nagdaang panahon ng kasaganaan. 31Mangyayari ito dahil sa katakut-takot na hirap na daranasin sa panahon ng taggutom. 32Dalawang ulit po ang inyong panaginip, mahal na Faraon, upang ipaalam sa inyo na itinakda na ng Diyos ang bagay na ito, at malapit na niya itong isagawa.
33“Ang mabuti po'y pumili kayo ng taong matalino at may kakayahan upang siyang mamahala sa Egipto. 34Maglagay kayo sa buong bansa ng mga tagalikom ng ikalimang bahagi ng lahat ng aanihin sa loob ng pitong taóng kasaganaan. 35Lahat ng inaning butil sa panahong iyon ay dapat ipunin, ikamalig sa mga lunsod at pabantayang mabuti. Bigyan ninyo ng kapangyarihan ang mga tagalikom upang maisagawa ang lahat ng ito. 36Ang maiipong pagkain ay ilalaan para sa pitong taon ng taggutom na tiyak na darating sa Egipto. Sa gayon, hindi mamamatay sa gutom ang mga mamamayan sa buong bansa.”
Ginawang Tagapamahala sa Egipto si Jose
37Nagustuhan ng Faraon at ng kanyang mga kagawad ang panukala ni Jose. 38Sinabi nila, “Bakit pa tayo hahanap ng iba, samantalang nasa kanya ang Espiritu#38 ESPIRITU: o kaya'y kapangyarihan. ng Diyos?” 39Kaya't sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang Diyos ang nagpakita sa iyo ng lahat ng ito, kaya't wala nang hihigit pa sa iyo sa karunungan at pang-unawa. 40Ikaw#Gw. 7:10 ang pamamahalain ko sa buong bansa, at susundin ka ng lahat. Ang aking trono lamang ang hindi mapapasaiyo. 41At ngayon, inilalagay kitang gobernador ng buong Egipto!” 42Inalis#Dan. 5:29 ni Faraon sa kanyang daliri ang singsing na pantatak at isinuot iyon kay Jose; binihisan niya ito ng damit na lino at sinabitan ng gintong kuwintas sa leeg. 43Ipinagamit kay Jose ang pangalawang sasakyan ng hari, at binigyan siya ng tanod pandangal na nauuna sa kanya at sumisigaw, “Lumuhod kayo!” Sa gayon, ipinailalim sa kanya ang pamamahala sa buong Egipto. 44Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon at ikaw ang aking pangalawa, ngunit kung wala kang pahintulot, walang sinuman sa Egipto na makakagawa ng anuman.” 45Binigyan niya si Jose ng bagong pangalan: Zafenat-panea. At ipinakasal sa kanya si Asenat na anak ni Potifera, ang pari sa Heliopolis.#45 HELIOPOLIS: Sa Hebreo ay On. Bilang gobernador, pinamahalaan ni Jose ang buong lupain ng Egipto.
46Tatlumpung taon si Jose nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Pagkaalis niya sa harapan ng hari, nilibot niya ang buong Egipto. 47Pitong taóng nag-ani nang sagana sa buong lupain. 48Inipon ni Jose ang lahat ng pagkain sa Egipto at ikinamalig sa mga lunsod. Sa loob ng pitong taon ng kasaganaan, inipon niya sa bawat lunsod ang mga pagkaing inani sa palibot nito. 49Ang naipon niyang trigo ay sindami ng buhangin sa dagat, kaya't hindi na niya tinatakal dahil sa dami.
50Bago dumating ang taggutom, nagkaanak si Jose ng dalawang lalaki kay Asenat. 51Tinawag niyang Manases#51 MANASES: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Manases” at “Niloob na malimot” ay magkasintunog. ang panganay, sapagkat sinabi niya, “Niloob ng Diyos na malimot ko ang aking naging hirap sa bahay ng aking ama.” 52Efraim#52 EFRAIM: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Efraim” at “Pinagkalooban ng mga anak” ay magkasintunog. naman ang ipinangalan sa pangalawa, sapagkat ang sabi niya, “Pinagkalooban ako ng Diyos ng mga anak sa lupain ng aking paghihirap.”
53Natapos ang pitong taon ng kasaganaan sa Egipto. 54At#Gw. 7:11 sumunod ang pitong taóng taggutom, tulad ng sinabi ni Jose. Ngunit sa buong Egipto'y may pagkain, samantalang taggutom sa ibang bansa. 55Nang#Jn. 2:5 wala nang makain ang mamamayan, sila'y dumaing sa Faraon. Sinabi niya sa mga taga-Egipto, “Magpunta kayo kay Jose, at sundin ninyo ang kanyang sasabihin.” 56Lumaganap ang taggutom sa buong bansa. Binuksan ni Jose ang lahat ng mga kamalig, at pinagbilhan ng trigo ang mga taga-Egipto. Palubha nang palubha ang taggutom sa buong Egipto. 57Lumaganap din ito sa ibang mga bansa, kaya't ang mga mamamayan nila'y pumunta sa Egipto upang bumili ng pagkain kay Jose.
Kasalukuyang Napili:
Genesis 41: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society