Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 2:4-25

Genesis 2:4-25 RTPV05

Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa. Nang likhain ng PANGINOONG Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang PANGINOONG Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa. Pagkatapos, ginawa ng PANGINOONG Yahweh ang tao mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay. Gumawa ang PANGINOONG Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinatubo niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia. Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates. Inilagay ng PANGINOONG Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.” Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng PANGINOONG Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.” Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang PANGINOONG Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito. Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang. Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya. Kaya't pinatulog ng PANGINOONG Yahweh ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. Ang tadyang na iyo'y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki. Sinabi ng lalaki, “Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki siya'y kinuha.” Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila'y nagiging isa. Kapwa hubad noon ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya.