Ezekiel 23
23
Ang Magkapatid na Makasalanan
1Sinabi sa akin ni Yahweh, 2“Ezekiel, anak ng tao, may magkapatid na babae. 3Sa kanilang kabataan, sila'y naging mahalay sa Egipto. Doon ay hinayaan nilang paglaruan ang maseselang bahagi ng kanilang katawan. 4Ohola#4 OHOLA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “santuwaryo niya”. ang pangalan ng matanda at Oholiba#4 OHOLIBA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “ang aking santuwaryo ay nasa kanya”. naman ang bata. Sila'y parehong naging akin at nag-anak ng marami. Ang Ohola ay ang Samaria, at ang Jerusalem ay ang Oholiba.
5“Si Ohola ay nagpakasama samantalang nasa aking pagkukupkop. Nakiapid siya sa mga taga-Asiria, 6mga mandirigmang nakasuot ng kulay ube, mga gobernador, sa mga punong-kawal na puro mga gwapo, at sa mga pinunong mangangabayo. 7Nakipagtalik siya sa mga piling tauhan ng Asiria, at nakiisa sa pagsamba at paglilingkod sa diyus-diyosan ng mga ito. 8Patuloy siyang nagpakasama. Noong kabataan niya sa Egipto, siya'y sumiping sa mga kabinataan. Binayaan niyang simsimin ang kanyang bango at ibuhos sa kanya ang kanilang matinding pagnanasa. 9Kaya, pinabayaan ko na siya sa kamay ng Asiria na kanyang mangingibig. 10At siya'y ginahasa nito. Pinatay siya sa tabak, pati ang kanyang mga anak. At siya ay naging usap-usapan ng mga kababaihan. Ang parusa ay ipinaranas na sa kanya.
11“Nakita ito ni Oholiba. Naging mas masama siya kaysa kanyang kapatid. 12Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria: sa mga gobernador, punong-kawal, mandirigmang larawan ng kapangyarihan, mangangabayo na pawang kaakit-akit. 13At nakita kong siya man ay nagpakasamang tulad ng kanyang kapatid. 14Ngunit hindi pa siya nakuntento roon. Nakakita siya ng larawan ng mga lalaki, nakaukit sa pader; ito'y larawan ng mga pinuno ng Babilonia na nakaguhit ng matingkad na pula. 15Ang mga ito'y may magagandang pamigkis. Magaganda rin ang palawit ng kanilang mga turbante. Sila ay mga pinuno at mga taga-Babiloniang naninirahan sa Caldea. 16Nang makita niya ang mga ito, nahumaling siya. Kaya, pinasabihan niya ang mga iyon. 17At pinuntahan siya ng mga taga-Babilonia. Sinipingan siya ng mga ito at pinagpasasaan. Pagkatapos niyang magpakasaya sa piling ng mga ito, siya ay lumayo na muhing-muhi. 18Nang makita ko ang hayagan niyang pagpapakasama at pagpapaubaya, namuhi ako sa kanya, tulad ng pagkamuhi ko sa kanyang kapatid. Siya'y aking tinalikuran. 19Nagpatuloy siya sa pakikiapid tulad ng ginawa niya sa Egipto noong kanyang kabataan. 20Doo'y nahumaling siya sa mga kalaguyo na kung manibasib ay parang asno at kung magbuhos ng binhi ay parang kabayo. 21Ang ginagawa mo'y tulad ng ginawa mo sa pakikiapid sa Egipto. Hinayaan mong simsimin ang iyong bango at himas-himasin ang iyong mga dibdib.
Ang Hatol ng Diyos sa Nakababatang Kapatid
22“Kaya nga, Oholiba, ito ang sinasabi ko sa iyo: Ngayon, ang kinamuhian mong mga kalaguyo ay inudyukan ko laban sa iyo. Ipapalusob kita sa kanila mula sa iba't ibang dako. 23Darating ang mga taga-Babilonia, Caldea, Pecod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria; ang makikisig na kabinataan, gobernador, punong-kawal, pinuno at mandirigma na pawang kabayuhan. 24Ikaw ay sasalakayin nilang sakay ng mga karwahe at kariton. Magmumula sila sa iba't ibang dako. Sila'y may pananggalang sa braso, at panay naka-helmet. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo. Hahayaan kong gawin nila sa iyo ang gusto nila. 25Ipalalasap ko sa iyo ang tindi ng aking galit. Tatagpasin nila ang iyong ilong at tainga. At ang iyong mga anak ay ihahagis sa apoy. 26Huhubaran nila kayo ng kasuotan at alahas. 27Sa ganyang paraan ko puputulin ang iyong mahalay na pamumuhay mula pa nang ika'y nasa Egipto. Sa gayon, hindi ka na mahuhumaling sa mga diyus-diyosan at malilimutan mo na ang Egipto.” 28Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo. 29Ipadarama naman nila sa iyo ang kanilang kalupitan. Sasamsamin nila ang lahat ng iyong ari-arian pati iyong kasuotan. Iiwan ka nilang hubo't hubad. Nagpakasama ka. 30Nakiapid ka sa mga bansa at nakisamba sa kanilang mga diyus-diyosan. 31Pinarisan mo ang iyong kapatid kaya naman ipalalasap ko sa iyo ang parusang ipinataw ko sa kanya.”
32Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh:
“Ang iinuman mong saro ng iyong kapatid ay malaki at malalim.
Ikaw ay pagtatawanan at tutuyain;
pagkat umaapaw ang laman nito.
33Malalasing ka at matitigib ng kalungkutan,
sapagkat ang saro ng Samaria na kapatid mo,
ay saro ng pagkatakot at pagkawasak.
34Iyong uubusin ang laman ng saro,
pagkatapos, babasagin mo ito at susugatan ang iyong dibdib.”
35Kaya nga ipinapasabi ni Yahweh: “Dahil sa iyong paglimot at pagtalikod sa akin, pagdurusahan mo ang iyong pakikiapid at mahalay na pamumuhay.”
Ang Parusa ni Yahweh sa Magkapatid
36Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hahatulan mo na ba sina Ohola at Oholiba? Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 37Sila'y naging mamamatay-tao at mapangalunya. Pinatay nila ang kanilang mga anak at inihandog sa kanilang diyus-diyosan. 38Bukod dito, pinarumi pa nila ang aking Templo at winalang-halaga ang Araw ng Pamamahinga. 39Sinalaula nila ang aking Templo nang sila'y pumasok dito pagkatapos ihandog sa diyus-diyosan ang kanilang mga anak.
40“Paulit-ulit pa silang nagpasundo ng mga lalaki mula sa malalayong dako. Nagpaayos pa silang mabuti para sa mga iyon: naglinis sila, nagkulay ng mata, at naglagay ng mga hiyas. 41Nagpagawa pa sila ng isang magarang pahingahan, at ng isang mesang ubod ng ganda at doon inilagay ang kamanyang at langis na ibinigay ko sa kanila. 42Napapaligiran sila ng mga taong nagkakaingay sa tuwa. Naroon din ang mga karaniwang tao mula sa ilang. Ang mga babae ay sinuotan nila ng pulseras at pinutungan ng magagandang korona.
43“Nasabi ko sa aking sarili: Ang babaing iyon ay tumanda na sa pakikiapid. Gayunpaman, marami pa ring nakikipagtalik sa kanya 44sapagkat ang paglapit sa kanya'y tulad ng paglapit ng isang lalaki sa isang babaing mahalay. Ganoon sila lumalapit kina Ohola at Oholiba para isagawa ang kanilang kahalayan. 45Ngunit hahatulan sila ng mga taong matuwid dahil sa kanilang pangangalunya at pagpatay, sapagkat mapakiapid sila at ang mga kamay nila'y tigmak ng dugo.”
46Kaya nga, ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ipapalusob na sila sa naghihintay na hukbo upang sila'y takutin at pagnakawan. 47Sila'y babatuhin ng malaking hukbong yaon at gagamitan ng tabak. Papatayin sila pati kanilang mga anak, at susunugin ang kanilang mga tirahan. 48Sa ganitong paraan ko wawakasan ang kahalayan sa lupaing iyon upang magsilbing babala sa mga kababaihan, at nang walang sumunod sa kanilang hakbang. 49Pagbabayaran ninyong magkapatid ang inyong kahalayan, at daranasin ang bigat ng parusa sa pagsamba sa diyus-diyosan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Kasalukuyang Napili:
Ezekiel 23: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society