Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodo 26

26
Ang Tabernakulo ng Diyos
(Exo. 36:8-38)
1“Para sa tabernakulo, gumawa ka ng sampung pirasong tela na yari sa telang lino na ihinabi sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Ito'y dapat burdahan ng larawan ng kerubin. 2Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at dalawang metro naman ang lapad. 3Pagkakabit-kabitin ninyo ito ng tiglilima. 4Ang tig-isang gilid nito'y lagyan ninyo ng silo na yari sa taling asul. 5Tiglilimampung silo ang ilagay ninyo sa bawat piraso. 6Gumawa ka ng limampung kawit na ginto at ang mga ito ang gagamitin ninyo para pagkabitin ang dalawang piraso.
7“Gumawa ka rin ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing na siyang gagawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. 8Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. 9Pagkabit-kabitin ninyo ang limang piraso at gayundin ang gawin sa anim na natitira. Ang ikaanim ay ilulupi at siyang ilalagay sa harap ng tolda. 10Bawat piraso ay palagyan mo ng tiglilimampung silo ang gilid. 11Gumawa ka ng limampung kawit na tanso at isuot mo sa mga silo para pagkabitin ang dalawang piraso upang maging isa lamang. 12Ang kalahating bahagi ng tabing ay ilaladlad sa likuran upang maging takip. 13Ang tig-kalahating metrong sobra sa mga tabi ay siyang takip sa gilid. 14Ito ay lalagyan pa ng dalawang patong ng pulang balat: ang ilalim ay balat ng tupang lalaki at ang ibabaw ay balat na mainam.
15“Ang tabernakulo'y igawa mo ng mga patayong haligi na gawa sa akasya; 16bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. 17Bawat haligi ay lagyan mo ng tigalawang mitsa para sa pagdurugtong. 18Sa gawing timog, dalawampung haligi ang ilagay mo 19at ikabit sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat haligi. 20Dalawampung haligi rin ang gawin mo para sa gawing hilaga 21at apatnapung patungan, dalawa rin sa bawat haligi. 22Sa likod naman, sa gawing kanluran ay anim na haligi ang ilagay mo 23at dalawa para sa mga sulok. 24Ang mga haliging panulok ay pagkabitin mo mula sa ibaba hanggang sa may argolya sa itaas. 25Kaya, walong lahat ang haligi sa likuran at labing-anim naman ang patungan.
26“Gagawa ka rin ng pahalang na haligi na yari sa akasya, lima sa isang tabi, 27lima sa kabila, at lima sa likod, sa gawing kanluran. 28Ang mga pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang dulo ng dingding. 29Ang mga patayong haligi ay balutin mo ng ginto at kabitan ng mga argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto. 30Gawin mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.
31“Gumawa ka ng kurtinang yari sa puting lino at lanang asul, kulay ube at kulay pula. Burdahan mo ito ng larawan ng kerubin. 32Isabit mo ito sa mga kawit na ginto na nakakabit sa apat na haliging akasya na binalot din ng ginto at nakatindig sa apat na patungang pilak. 33Isabit#Heb. 6:19; 9:3-5 mo ang tabing na ito sa tapat ng kawit sa bubong ng tabernakulo at ilagay sa likod ng tabing ang Kaban ng Tipan. Ang tabing na ito ang siyang maghihiwalay sa Dakong Banal at sa Dakong Kabanal-banalan. 34Ang Luklukan ng Awa ay ilagay mo sa ibabaw ng Kaban ng Tipan na nasa Dakong Kabanal-banalan. 35Ang mesa ay ilagay mo sa labas ng kurtina, sa gawing hilaga ng Dakong Banal at sa gawing timog naman ang patungan ng ilaw.
36“Ang pintuan ng tabernakulo'y lagyan mo ng kurtinang iba't ibang kulay na hinabi sa lanang asul, kulay ube at kulay pula, at telang lino. Ito'y buburdahan nang maganda. 37Gumawa ka ng limang posteng akasya para sa tabing. Balutin mo ito ng ginto, kabitan ng argolyang ginto at itayo sa limang tuntungang tanso.

Kasalukuyang Napili:

Exodo 26: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya