Exodo 18
18
Dinalaw ni Jetro si Moises
1Nabalitaan ni Jetro, biyenan ni Moises at pari sa Midian, ang mga ginawa ni Yahweh para kay Moises at sa mga Israelita, kung paanong inilabas niya ang mga ito sa lupain ng Egipto. 2Si#Exo. 2:21-22 Jetro ang nag-aruga kay Zipora nang ito'y pauwiin ni Moises sa Midian 3kasama#Gw. 7:29 ang dalawa nilang anak. Gersom#3 GERSOM: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Gersom” at “dayuhan” ay magkasintunog. ang pangalan ng una sapagkat ang sabi ni Moises nang ito'y isilang: “Ako'y dayuhan sa lupaing ito.” 4Ang pangalawa nama'y Eliezer,#4 ELIEZER: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Eliezer” at “tinulungan ako ng Diyos” ay magkasintunog. sapagkat ang sabi niya: “Tinulungan ako ng Diyos ng aking mga ninuno; iniligtas niya ako sa tabak ng Faraon.” 5Isinama ni Jetro ang asawa ni Moises at ang dalawang anak nito, at pumunta sa pinagkakampuhan nina Moises sa ilang, sa tabi ng Bundok ng Diyos. 6Pagdating doon, ipinasabi niya kay Moises: “Darating ako riyan, kasama ang iyong asawa't dalawang anak.” 7Kaya't sinalubong sila ni Moises. Nagbigay-galang siya sa biyenan, niyakap ito, at isinama sa kanyang tolda; doon sila nagkumustahan at masayang nagbalitaan. 8Isinalaysay ni Moises ang lahat ng ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa mga Egipcio, at kung paano iniligtas ni Yahweh ang mga Israelita. Isinalaysay rin niya ang mga hirap na inabot nila sa paglalakbay at kung paano sila tinulungan ni Yahweh. 9Natuwa si Jetro sa kabutihang ginawa sa kanila ni Yahweh at sa pagliligtas nito sa kanila sa mga Egipcio. 10Sinabi niya, “Purihin si Yahweh na nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Faraon at ng mga Egipcio! Purihin si Yahweh na nagpalaya sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto! 11Napatunayan ko ngayon na siya ay higit sa ibang mga diyos dahil sa ginawa niya sa mga Egipcio na umapi sa mga Israelita.” 12At si Jetro ay nagdala ng handog na susunugin at iba pang handog para sa Diyos. Dumating naman si Aaron at ang mga pinuno ng Israel, at kumain sila, kasalo ng biyenan ni Moises.
Ang Paghirang sa mga Hukom
(Deut. 1:9-18)
13Kinabukasan, naupo si Moises upang mamagitan at humatol sa mga usapin ng mga tao. Inabot siya ng gabi sa dami ng taong lumalapit sa kanya. 14Nang makita ni Jetro ang hirap na inaabot ni Moises sa kanyang ginagawa, tinanong niya ito, “Ano ba ang ginagawa mo sa mga tao? Bakit mag-isa mong ginagawa ito at ang mga tao'y maghapong nakapaligid sa iyo?”
15Sumagot si Moises, “Mangyari po lumalapit sila sa akin para alamin ang kalooban ng Diyos. 16Kapag may dalawang taong may pinagtatalunan, lumalapit sila sa akin at sinasabi ko naman sa kanila kung sino ang may katuwiran. Bukod doon, ipinaliliwanag ko sa kanila ang mga utos at tuntunin ng Diyos.”
17Sinabi ni Jetro, “Hindi ganyan ang dapat mong gawin. 18Pinahihirapan mo ang iyong sarili pati ang mga tao. Napakalaking gawain iyan para sa iyo at hindi mo iyan kayang mag-isa. 19Pakinggan mo itong ipapayo ko sa iyo at tutulungan ka ng Diyos. Ikaw ang lalapit sa Diyos para sa kanila at magdadala sa kanya ng kanilang mga usapin. 20Ikaw ang magtuturo sa kanila ng mga kautusan at mga tuntunin, at ikaw rin ang magpapaliwanag sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin. 21Ngunit pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu at sampu-sampu. 22Sila na ang bahalang humatol sa maliliit na usapin, at ang mabibigat na kaso lamang ang ihaharap sa iyo. Sa gayon, hindi ka masyadong mahihirapan sapagkat matutulungan ka nila sa iyong gawain. 23Kung ganoon ang gagawin mo, na siya namang utos ng Diyos, hindi ka mahihirapan at madali pang maaayos ang anumang suliranin ng taong-bayan.”
24Pinakinggan ni Moises ang payo ng kanyang biyenan at sinunod niya ito. 25Pumili nga siya ng mga lalaking may kakayahan at ginawa niyang tagapangasiwa sa Israel: para sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu at sa sampu-sampu. 26Sila ang naging palagiang hukom ng bayan. Ang malalaking usapin na lamang ang dinadala nila kay Moises at sila na ang lumulutas sa maliliit na kaso.
27Pagkatapos nito'y nagpaalam na si Jetro kay Moises at umuwi sa sariling bayan.
Kasalukuyang Napili:
Exodo 18: RTPV05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society