Ito ang mga anak ni Jacob na kasama niyang pumunta sa Egipto, kasama ang kani-kanilang sambahayan: sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulun, Benjamin, Dan, Neftali, Gad at Asher; silang lahat ay pitumpu. Si Jose ay matagal nang nasa Egipto noon. Paglipas ng panahon, namatay si Jose, ang kanyang mga kapatid at ang kanilang salinlahi. Ngunit mabilis ang pagdami ng mga Israelita kaya't sila'y naging makapangyarihan at halos napuno nila ang buong lupain. Lumipas ang panahon at nagkaroon ang Egipto ng ibang hari na hindi nakakakilala kay Jose. Sinabi niya sa kanyang mga kababayan, “Nanganganib tayo sa mga Israelita. Sila'y patuloy na dumarami at lumalakas kaysa atin. Kailangang gumawa tayo ng paraan upang mapigil ang kanilang pagdami. Baka salakayin tayo ng ating mga kaaway at kumampi pa sila sa mga ito, at pagkatapos ay tumakas sa ating lupain.” Kaya't naglagay sila ng mababagsik na tagapangasiwa upang pahirapan ang mga Israelita; ipinagawa ng Faraon sa mga ito ang mga Lunsod ng Pitom at Rameses, mga lunsod na imbakan ng mga pagkain at kagamitan. Ngunit habang inaapi, ang mga ito ay lalo namang dumarami at naninirahan ang mga Israelita sa iba't ibang bayan kaya't sila'y kinatakutan ng mga Egipcio. Dahil dito, ang mga Israelita'y lalong walang awang pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba't ibang mabibigat na gawaing bukid. Isang araw, ipinatawag ng Faraon sina Sifra at Pua, ang mga komadronang Hebreo at sinabihan nang ganito: “Sa pagpapaanak ninyo sa mga Hebrea, patayin ninyo kung lalaki ang sanggol, at hayaan ninyong mabuhay kung babae.” Ngunit dahil sa takot nila sa Diyos, hindi sinunod ng mga komadrona ang utos ng hari; hindi nila pinapatay ang mga sanggol na lalaki. Dahil dito'y ipinatawag sila ng hari at tinanong, “Bakit hindi ninyo pinapatay ang mga sanggol na lalaking isinisilang ng mga Hebrea?” “Mangyari po, iba ang mga Hebrea sa mga Egipcia. Madali po silang manganak kaya naisilang na ang sanggol pagdating namin,” sagot nila. Kaya't patuloy na dumami at lumakas ang mga Israelita. Ang mga komadrona naman ay kinalugdan ng Diyos. Sila'y pinagkalooban niya ng mga sariling pamilya. Iniutos naman ng Faraon sa lahat ng kanyang nasasakupan na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang ng mga Hebrea at hayaan namang mabuhay ang mga babae.
Basahin Exodo 1
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Exodo 1:1-22
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas