Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro. Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod at lumuluhod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod at lumuluhod. Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman para malaman kung pagbibigyan siya ni Haman, sapagkat sinasabi ni Mordecai na siya'y isang Judio. Nang mapatunayan ni Haman na hindi nga yumuyukod at lumuluhod si Mordecai, sumiklab ang galit nito. Nang malaman niyang Judio si Mordecai, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes. Nang unang buwan ng ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, ginawa sa harapan ni Haman ang palabunutang tinatawag na Pur upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumama ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan na kung tawagi'y Adar. Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat pong panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po kung pababayaan ninyo silang ganito. Kung inyong mamarapatin, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong yaon. Magbibigay po ako ng 350,000 kilong pilak sa mga pinuno at ito'y ilalagak sa kabang-yaman ng hari.” Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata, ang Agagitang kaaway ng mga Judio. At sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na ang bahala sa salapi at gawin mo ang gusto mong gawin sa mga taong iyon.” Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang mga kalihim ng hari. Pinagawa niya sila ng liham para sa mga gobernador ng lahat ng lalawigan at sa mga pinuno ng bayan, sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. Ang liham ay ginawa sa pangalan ni Haring Xerxes at tinatakan ng singsing nito. Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian, na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio, maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. Bawat lalawiga'y padadalhan ng sipi ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit. At ipinahayag nga sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia, ang utos ng hari. Ang mga lalawigan naman ay kaagad pinadalhan ng mga sipi nito. Kaya't samantalang masayang nag-iinuman ang hari at si Haman, ang lunsod naman ng Susa ay gulung-gulo.
Basahin Ester 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Ester 3:1-15
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas