Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Ester 3:1-11

Ester 3:1-11 RTPV05

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro. Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod at lumuluhod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod at lumuluhod. Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman para malaman kung pagbibigyan siya ni Haman, sapagkat sinasabi ni Mordecai na siya'y isang Judio. Nang mapatunayan ni Haman na hindi nga yumuyukod at lumuluhod si Mordecai, sumiklab ang galit nito. Nang malaman niyang Judio si Mordecai, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes. Nang unang buwan ng ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, ginawa sa harapan ni Haman ang palabunutang tinatawag na Pur upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumama ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan na kung tawagi'y Adar. Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat pong panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po kung pababayaan ninyo silang ganito. Kung inyong mamarapatin, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong yaon. Magbibigay po ako ng 350,000 kilong pilak sa mga pinuno at ito'y ilalagak sa kabang-yaman ng hari.” Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata, ang Agagitang kaaway ng mga Judio. At sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na ang bahala sa salapi at gawin mo ang gusto mong gawin sa mga taong iyon.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Ester 3:1-11