Sinabi nila, “Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda ay lumabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.” Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel. Nang magkaroon muli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, “Alalahanin ninyo, mahal na hari, na batas sa Media at Persia na hindi maaaring baguhin ang alinmang kautusan na pinagtibay ng hari.” Dahil dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.” Ang bunganga ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga tagapamahala para hindi mabuksan ng sinuman. Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Ngunit magdamag itong hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw rin niyang paaliw. Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon. Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na lingkod ng Diyos na buháy! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?” Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang hari! Wala pong nangyari sa akin sapagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na isinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito sapagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagawang masama laban sa inyo.” Dahil dito, labis na nagalak ang hari at iniutos na iahon si Daniel mula sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon na, wala silang nakita kahit man lang bahagyang galos sa katawan ni Daniel sapagkat nagtiwala siya sa kanyang Diyos. Ang mga nagbintang kay Daniel ay ipinahulog ng hari sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon. Pagkatapos, sinulatan ni Haring Dario ang lahat ng tao sa bawat bansa at wika sa buong daigdig. Isinasaad sa sulat: “Sumainyo ang kapayapaan! Iniuutos ko sa lahat ng aking mga nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel. “Sapagkat siya ang Diyos na buháy, at mananatili magpakailanman. Hindi mawawasak ang kanyang kaharian, at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan. Siya ay sumasaklolo at nagliligtas; gumagawa siya ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa. Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.” At naging matagumpay si Daniel sa panahon ni Haring Dario at sa panahon ni Haring Ciro ng Persia.
Basahin Daniel 6
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Daniel 6:13-28
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas