Samantala, patuloy ang pagsisikap ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Kaya't lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon.
Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lunsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?”
“Sino kayo, Panginoon?” tanong niya.
“Ako'y si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya. “Tumayo ka't pumasok sa lunsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.”
Natigilan ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita. Tumayo si Saulo at nang dumilat, hindi na siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya hanggang sa Damasco. Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw, hindi rin siya kumain ni uminom.
Sa Damasco naman ay may isang alagad na ang pangala'y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa pamamagitan ng isang pangitain, “Ananias!”
“Ano po iyon, Panginoon,” tugon niya.
Inutusan siya ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon. Sa isang pangitain, nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang siya'y makakitang muli.”
Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa taong ito at tungkol sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem. At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.”
Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat pinili ko siya upang ipangaral ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. Ipapaunawa ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”
Pumunta nga si Ananias sa naturang bahay at ipinatong ang kanyang kamay kay Saulo. Sabi niya, “Kapatid na Saulo, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Isinugo niya ako upang muli kang makakita at upang mapuspos ka ng Espiritu Santo.” Noon di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at nakakita na siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo. Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas.