Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at kaibigan na kanyang inanyayahan. Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo kayo, ako'y tao ring tulad ninyo.”
Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na wala akong dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan. Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”
Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.
“Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong mga panalangin at kinalulugdan niya ang pagtulong mo sa mahihirap. Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at salamat naman at kayo'y pumarito. Ngayon ay nagtitipon kami sa harap ng Diyos upang makinig sa anumang ipinapasabi ng Panginoon.”
At nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang naunawaan na talagang walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. Kilala ninyo si Jesus na taga-Nazaret at alam din ninyo kung papaanong pinili siya ng Diyos at kung papaanong pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na saanman siya magpunta, gumagawa siya ng kabutihan sa mga tao at nagpapagaling sa lahat ng pinapahirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos.
“Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus. Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang makita ng mga tao; hindi siya nakita ng lahat ng tao, subalit nakita namin siya. Kami na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi patungkol dito ay nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ang Espiritu Santo ay ipinagkaloob din sa mga Hentil. Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.