Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 3:1-10

1 Samuel 3:1-10 RTPV05

Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglingkod kay Yahweh. Nang panahong iyon, bihira nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya. Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, natutulog siya sa kanyang silid. Si Samuel ay natutulog naman sa santuwaryo, kung saan naroroon din ang Kaban ng Tipan. Bago magmadaling-araw at may sindi pa ang ilawan sa santuwaryo, siya'y tinawag ni Yahweh, “Samuel, Samuel!” “Narito po ako,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?” Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Matulog ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan. Subalit tinawag siyang muli ni Yahweh, “Samuel!” Bumangon siya, lumapit muli kay Eli at nagtanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?” Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Matulog ka na.” Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa ito nagpahayag sa kanya. Sa ikatlong pagtawag ni Yahweh, muling lumapit si Samuel kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinawag ninyo ako.” Sa pagkakataong iyon, naunawaan ni Eli na si Yahweh ang tumatawag sa bata, kaya sinabi niya, “Mahiga kang muli at kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muli ngang nahiga si Samuel. Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, “Samuel, Samuel!” Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”