Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 16

16
1Isinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu na anak ni Hanani kay Baasa at ganito ang ipinasabi: 2“Pinili kita at ginawang hari ng bayan kong Israel. Ngunit sinundan mo ang halimbawa ni Jeroboam at ibinunsod mo sa pagkakasala ang bayan ko. 3Kaya't itatakwil din kita at ang iyong angkan, gaya nang ginawa ko kay Jeroboam. 4Sinuman sa iyong angkan ang mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”
5Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 6Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari.
7Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito.
Ang Paghahari ni Ela
8Naging hari ng Israel si Ela na anak ni Baasa noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Dalawang taon siyang naghari at sa Tirza nanirahan. 9Pinagtaksilan siya ni Zimri na pinuno ng kalahati ng hukbong gumagamit ng karwahe. Samantalang lasing si Ela sa bahay ni Arsa na tagapamahala ng palasyo sa Tirza, 10pumasok si Zimri sa palasyo at pinatay si Ela at siya ang pumalit na hari. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda.
11Simula pa lamang ng paghahari ni Zimri, pinatay na niyang lahat ang buong pamilya ni Baasa. Ipinapatay niya ang lahat ng lalaking kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa. 12Nilipol nga niya ang buong angkan ni Baasa ayon sa sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang si Jehu. 13Nagalit si Yahweh, ang Diyos ng Israel, kina Baasa at Ela sapagkat ibinunsod nila ang Israel sa pagkakasala at pagsamba sa mga diyus-diyosan. 14Ang iba pang ginawa ni Haring Ela ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Zimri
15Naging hari naman ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa Tirza sa loob lamang ng pitong araw. Pinalibutan at nilusob noon ng hukbong Israel ang lunsod ng Gibeton sa Filistia at nang 16mabalitaan nila ang pagtataksil ni Zimri at ang pagkamatay ng hari, pinagkaisahan nilang gawing hari si Omri, ang pinuno ng hukbo. 17Iniwan nga nila ang Gibeton, at kinubkob ang Tirza. 18Nang makita ni Zimri na mahuhulog na ang bayan sa kamay ng kalaban, nagkulong siya sa kastilyo ng palasyo at sinindihan iyon. Kaya't kasama siyang nasunog doon. 19Nangyari ito sapagkat hindi rin kinalugdan ni Yahweh ang mga ginawa ni Zimri. Ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala tulad ng ginawa ni Jeroboam.
20Ang iba pang ginawa ni Zimri, pati ang kanyang pakikipagsabwatan upang agawin ang trono, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Omri
21Pagkamatay ni Zimri, nahati ang Israel sa dalawang pangkat. Pumanig ang isa kay Omri, ngunit si Tibni na anak ni Ginat ang pinili ng ikalawa. 22Ngunit nagtagumpay din ang pangkat ni Omri. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.
23Si Omri ay naging hari ng Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda at labindalawang taon siyang naghari. Tumira siya sa Tirza sa loob ng anim na taon. 24Pagkatapos, binili niya kay Semer ang isang bundok sa halagang pitumpung kilong pilak. Nagtayo siya roon ng isang lunsod na tinawag niyang Samaria, hango sa salitang Semer, pangalan ng binilhan niya ng bundok.
25Ginawa rin ni Omri ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Naging masahol pa nga siya sa mga nauna sa kanya. 26Tumulad siya kay Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang mga Israelita sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, kaya't nagalit sa kanila si Yahweh.
27Ang iba pang ginawa ni Omri at ang kanyang katapangan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 28Namatay si Omri at inilibing sa Samaria. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ahab.
Si Haring Ahab ng Israel
29Nagsimulang maghari sa Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya nanirahan, at naghari sa loob ng dalawampu't dalawang taon. 30Higit sa lahat ng nauna sa kanya ang kasamaang ginawa niya sa paningin ni Yahweh. 31Hindi pa siya nasiyahang ipagpatuloy ang ginawa ni Jeroboam. Pinakasalan din niya si Jezebel na anak ni Et-baal, hari ng Sidon. At mula noon, naglingkod siya at sumamba kay Baal. 32Nagpatayo siya ng templo para kay Baal sa Samaria. Nagpagawa siya ng altar at ipinasok doon 33ang ginawa niyang rebulto ni Ashera. Ang mga pagkakasalang ginawa niya'y higit na masama sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. 34Sa#Jos. 6:26. panahon niya, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang lunsod ng Jerico. Ngunit nang ilagay ang pundasyon nito, buhay ng panganay niyang si Abiram ang kanyang ibinuwis. At nang itayo ang pintuan, buhay naman ng kanyang bunsong si Segub ang naging kabayaran. Sa ganon, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.

Kasalukuyang Napili:

1 Mga Hari 16: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in