Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Hari 1

1
Si David nang Matanda na
1Matandang-matanda na noon si Haring David. Kahit kumutan ng makapal ay giniginaw pa rin siya. 2Kaya't sinabi ng kanyang mga lingkod, “Kung ipapahintulot po ninyo, Kamahalan, ihahanap namin kayo ng isang dalaga na dito titira at mag-aalaga sa inyo. Matutulog siya sa tabi ninyo upang mabigyan kayo ng init.” 3At naghanap nga sila sa buong Israel ng isang magandang dalaga, at natagpuan nila si Abisag na taga-Sunem. Siya'y kanilang dinala sa hari. 4Tumira siya sa piling ng hari at inalagaan ito. Bagama't siya'y napakaganda, hindi siya ginalaw ng hari.
Binalak ni Adonias na Maging Hari
5Samantala,#2 Sam. 3:4. ipinamamalita ni Adonias na anak ni Haguit na siya ang susunod na hari. May inihanda na siyang mga karwahe, mga mangangabayo at limampung alalay na kawal. 6Ni minsa'y hindi siya pinagsabihan o sinaway ng hari sa mga ginagawa niya. Si Adonias ay nakababatang kapatid ni Absalom, at napakakisig ding tulad nito. 7Kinausap na niya si Joab na anak ni Zeruias at ang paring si Abiatar, at sumang-ayon ang mga ito na siya'y tutulungan. 8Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaias na anak ni Joiada, gayundin sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.
9Naghandog si Adonias ng maraming tupa, baka at pinatabang toro sa Bato ng Zohelete na malapit sa En-rogel. Inanyayahan niya roon ang kanyang mga kapatid, ang mga anak ng hari, at ang mga opisyal ng hari mula sa lipi ni Juda. 10Ngunit hindi niya inanyayahan ang propetang si Natan, si Benaias at ang mga bantay ng hari at ang kapatid niyang si Solomon.
11Kaya#2 Sam. 12:24. kinausap ni Natan si Batsheba na ina ni Solomon. Sabi niya, “Hindi ba ninyo alam na ipinahayag na ni Adonias na siya na ang hari at ito ay lingid sa kaalaman ni Haring David? 12Kung gusto ninyong iligtas ang sarili ninyong buhay at pati ang buhay ng inyong anak na si Solomon, ito ang maipapayo ko: 13pumunta agad kayo sa hari at sabihin sa kanya, “Hindi ba't ipinangako ninyo sa akin na si Solomon ang maghahari na kahalili ninyo? Bakit si Adonias ngayon ang naging hari? 14At samantalang kausap ninyo ang hari, papasok ako at patutunayan ko ang inyong sinabi.”
15Pumunta nga si Batsheba sa silid ng hari. Ang hari noon ay matandang-matanda na at si Abisag, ang dalagang taga-Sunem ang nag-aalaga sa kanya. 16Yumuko si Batsheba at nagpatirapa sa harapan ng hari. “Anong kailangan mo?” tanong ng hari.
17Sumagot siya, “Mahal kong hari, ipinangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos ninyong si Yahweh na ang anak kong si Solomon ang magiging hari kapalit ninyo. 18Subalit naghahari na ngayon si Adonias nang hindi ninyo nalalaman. 19Nagpatay po siya ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya sa pagdiriwang na iyon ang mga anak ng hari, ang paring si Abiatar at si Joab, ang pinakamataas na pinuno ng inyong hukbo. Ngunit hindi niya inanyayahan ang inyong lingkod na si Solomon. 20Kaya po, mahal na hari, hinihintay ng buong bayang Israel na sabihin ninyo kung sino talaga ang hahalili sa inyo bilang hari. 21At kung hindi, pagkamatay po ninyo'y manganganib ang buhay ko at ng anak kong si Solomon.”
22Samantalang magkausap ang hari at si Batsheba, dumating naman ang propetang si Natan. 23May nagsabi sa hari na ito'y naghihintay, kaya't ito'y kanyang ipinatawag.
Lumapit ang propeta, nagpatirapa sa harapan ng hari, 24at ang sabi, “Mahal na hari, ipinahayag na po ba ninyo na si Adonias ang papalit sa inyo? 25Ngayon po'y nasa labas siya ng lunsod at nagpapatay ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya ang mga anak ng hari, si Joab na pinakamataas na pinuno ng hukbo at ang paring si Abiatar. Naroon po sila't nagkakainan at nag-iinuman, at ang isinisigaw ay ‘Mabuhay si Haring Adonias!’ 26Ngunit ako pong inyong lingkod, at ang paring si Zadok, si Benaias na anak ni Joiada, at ang anak ninyong si Solomon ay hindi niya inanyayahan. 27Ito po ba'y utos ng mahal na hari? Bakit po walang nagsabi sa inyong lingkod kung sino ang susunod sa inyo bilang hari?”
28Kaya't nagsalita si Haring David, “Tawagin ninyo si Batsheba.” Paglapit ni Batsheba 29ay sinabi ng hari, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel#29 Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel: o kaya'y Hangga't si Yahweh, ang Diyos ng Israel na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway ay nabubuhay. na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway! 30Nanumpa ako noon sa pangalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako.”
31Nagpatirapa si Batsheba sa harapan ng hari bilang paggalang. “Mabuhay ang Haring David magpakailanman,” sabi niya.
32Pagkatapos, sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias.” Kaya't humarap sa hari ang mga tinawag. 33Sila naman ang inutusan ng hari, “Isama ninyo ang aking mga opisyal, pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking sariling mola at samahan ninyo siya patungo sa Gihon. 34Bubuhusan siya roon ng langis bilang hari ng Israel ng paring si Zadok at ng propetang si Natan. Pagkatapos ay hipan ninyo ang trumpeta at isigaw ninyo, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35Sundan ninyo siya pabalik dito at paupuin sa aking trono, sapagkat siya ang papalit sa akin bilang hari. Siya ang aking pinili na magiging hari sa Israel at sa Juda.”
36Sumagot si Benaias, “Matutupad po! At pagtibayin nawa ito ni Yahweh, ang Diyos ng mahal na hari. 37At kung paanong pinagpala ni Yahweh ang mahal kong hari, nawa'y pagpalain din niya si Solomon. Nawa'y maging mas dakila ang kanyang paghahari kaysa paghahari ng mahal kong haring si David.”
38Lumakad nga ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias at ang mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at sinamahan siya patungong Gihon. 39Kinuha ng paring si Zadok sa tolda ang sungay na lalagyan ng langis, at binuhusan ng langis si Solomon bilang hari. Hinipan nila ang trumpeta at nagsigawan ang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40Inihatid siya ng mga tao pabalik sa lunsod. Habang daa'y nagsisigawan sila sa tuwa at nagtutugtugan ng mga plauta, at halos mayanig ang lupa sa lakas ng ingay.
41Tapos nang kumain noon ang mga panauhin ni Adonias, at ang ingay ay narinig nilang lahat. Narinig din ni Joab ang tunog ng trumpeta, kaya naitanong niya, “Ano iyon? Bakit maingay sa lunsod?” 42Nagsasalita pa siya nang dumating si Jonatan, anak ng paring si Abiatar. “Halika rito,” tawag ni Adonias. “Narito ang isang mabuting tao at tiyak na mabuti rin ang dala niyang balita.”
43Sumagot si Jonatan, “Hindi po! Ipinahayag na po ni Haring David na si Solomon na ang hari. 44Pinasama ng hari kay Solomon ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Joiada at ang mga Kereteo at Peleteo at pinasakay nila ito sa mola ng hari. 45Binuhusan na siya ng langis bilang hari ng paring si Zadok at ng propetang si Natan sa Gihon. Siya ay inihatid nila sa lunsod at nagsisigawan sa tuwa ang mga tao. Iyon po ang ingay na naririnig ninyo. 46At ngayon po, nakaupo na si Solomon sa trono. 47Pati ang matataas na opisyal ng hari ay pumunta na po kay Haring David at siya'y binati. Sabi po nila, ‘Loobin nawa ng inyong Diyos na ang pangalan ni Solomon ay maging higit na dakila kaysa inyong pangalan. At ang paghahari niya'y maging higit na dakila kaysa inyong paghahari.’ Yumuko ang hari sa kanyang pagkakahiga, 48at ganito ang sinabi: ‘Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, sapagkat minarapat niyang makita ko sa araw na ito ang isa sa aking mga anak na nakaupo sa aking trono.’”
49Nang marinig ito, natakot ang lahat ng panauhin ni Adonias at nagkanya-kanyang takas. 50Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya't tumakbo siya sa altar ng Toldang Tipanan at kumapit sa mga sungay nito.
51May nagsabi kay Solomon, “Takot na takot po sa inyong Kamahalan si Adonias. Nakakapit siya sa mga sungay ng altar at ipinapasabi na hindi siya aalis doon kung hindi muna kayo mangangako na hindi ninyo siya papatayin.”
Sumagot si Solomon, 52“Kung mapapatunayan niyang siya'y tapat, hindi siya mamamatay, wala ni isang hibla ng kanyang buhok ang malalaglag sa lupa. Ngunit kung hindi, siya'y mamamatay.” 53Kaya't pinapuntahan siya ni Haring Solomon at ipinakuha sa altar. Paglapit ni Adonias, nagpatirapa ito sa harapan ni Haring Solomon. Sinabi naman sa kanya ni Solomon, “Umuwi ka na sa inyo.”

Kasalukuyang Napili:

1 Mga Hari 1: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in