Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Taga-Corinto 10:1-22

1 Mga Taga-Corinto 10:1-22 RTPV05

Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabautismuhan silang lahat sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, at uminom din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumusubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't sila'y isa-isang namatay sa ilang. Ang lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw.” Huwag tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. Huwag nating susubukin si Cristo, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa. Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan. Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya matisod. Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon. Kaya nga, mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyosan. Ganito ang sinasabi ko sa inyo sapagkat alam kong kayo'y matatalino; kayo na ang magdesisyon. Hindi ba't ang pag-inom natin sa kopa ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo tayo sa iisang tinapay. Tingnan ninyo ang bansang Israel. Hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay nakikibahagi sa ginagawa sa dambana? Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? Hindi! Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Kaya't ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. Hindi kayo makakainom ng sabay sa kopa ng Panginoon at sa kopa ng mga demonyo. Hindi rin kayo maaaring makisalo ng sabay sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. Nais ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?