Anak ko ingatan mo ang aking mga salita,
At impukin mo sa iyo ang aking mga utos.
Ingatan mo ang aking mga utos at mabuhay ka;
At ang aking kautusan na parang itim ng iyong mata.
Itali mo sa iyong mga daliri;
Ikintal mo sa iyong puso.
Sabihin mo sa karunungan, Ikaw ay aking kapatid na babae;
At tawagin mong iyong kamaganak na babae ang unawa:
Upang kanilang maingatan ka sa babaing masama;
Sa babaing di kilala na nagtatabil ng kaniyang mga salita.
Sapagka't sa dungawan ng aking bahay
Tumitingin ako sa aking solihia;
At ako'y tumingin sa mga musmos,
Ako'y nagmasid sa mga may kabataan,
Sa may kabataang walang bait,
Na dumaraan sa lansangan na malapit sa kaniyang sulok,
At siya'y yumaon sa daan na patungo sa kaniyang bahay;
Sa pagtatakip silim, sa kinagabihan ng araw,
Sa kalahatian ng gabi, at sa kadiliman.
At, narito, doo'y nasalubong niya ang isang babae
Na nakagayak ng tila isang patutot, at tuso sa puso.
Siya'y madaldal at matigas ang ulo;
Ang kaniyang mga paa ay hindi nagsisitahan sa kaniyang bahay:
Ngayo'y nasa mga lansangan siya, mamaya'y nasa mga luwal na dako siya,
At nagaabang sa bawa't sulok,
Sa gayo'y hinahawakan niya siya at hinahagkan siya,
At may mukhang walang hiya na nagsasabi siya sa kaniya:
Mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan ay sa akin;
Sa araw na ito ay tinupad ko ang aking mga panata.
Kaya't lumabas ako upang salubungin ka,
Hinanap kong masikap ang iyong mukha, at nasumpungan kita.
Aking inilatag ang aking higaan na may mga coltsong may burda,
Na yari sa guhitguhit na kayong lana sa Egipto.
At aking pinabanguhan ang aking higaan
Ng mira, mga oleo, at sinamomo.
Parito ka, tayo'y magpakasiya sa pagsisintahan hanggang sa kinaumagahan;
Magpakasaya tayo sa mga pagsisintahan.
Sapagka't ang lalake ay wala sa bahay,
Siya'y naglakbay sa malayo
Siya'y nagdala ng supot ng salapi;
Siya'y uuwi sa bahay sa kabilugan ng buwan.
Kaniyang pinasusuko siya ng karamihan ng kaniyang mga matamis na salita,
Hinihila niya siya ng katabilan ng kaniyang mga labi.
Pagdaka ay sumusunod siya sa kaniya,
Gaya ng toro na naparoroon sa patayan,
O gaya ng sa mga tanikala sa sawayan sa mangmang;
Hanggang sa lagpasan ng isang palaso ang kaniyang atay;
Gaya ng ibong nagmamadali sa bitag,
At hindi nakakaalam na yao'y sa kaniyang buhay.
Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako,
At makinig kayo ng mga salita ng aking bibig.
Huwag humilig ang iyong puso sa kaniyang mga lakad,
Huwag kang lumiko sa kaniyang mga landas.
Sapagka't kaniyang inihiga ang maraming may sugat:
Oo, lahat niyang pinatay ay isang makapangyarihang hukbo.
Ang kaniyang bahay ay daang patungo sa Sheol.
Pababa sa mga silid ng kamatayan.