Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno, at siya'y sinamba, na nagsasabi, Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae: datapuwa't halina at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya, at siya'y mabubuhay.
At si Jesus ay nagtindig, at sumama sa kaniya, pati ng kaniyang mga alagad.
At narito, isang babaing inaagasang may labingdalawang taon na, ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit:
Sapagka't sinabi niya sa kaniyang kalooban, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.
Datapuwa't paglingon ni Jesus at pagkakita sa kaniya, ay sinabi, Anak, laksan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At gumaling ang babae mula sa oras na yaon.
At nang pumasok si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita ang mga tumutugtog ng mga plauta, at ang mga taong nangagkakagulo,
Ay sinabi niya, Magparaan kayo: sapagka't hindi patay ang dalaga, kundi natutulog. At tinawanan nila siya na nililibak.
Datapuwa't nang mapalabas na ang mga tao, ay pumasok siya, at tinangnan niya siya sa kamay; at nagbangon ang dalaga.
At kumalat ang pagkabantog na ito sa buong lupang yaon.
At pagkaraan doon ni Jesus ay sinundan siya ng dalawang lalaking bulag, na nangagsisisigaw, at nangagsasabi, Mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.
At nang pumasok siya sa bahay, ay nagsilapit sa kaniya ang mga lalaking bulag: at sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisisampalataya baga kayo na magagawa ko ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo, Panginoon.
Nang magkagayo'y kaniyang hinipo ang mga mata nila, na sinasabi, Alinsunod sa inyong pananampalataya ay siyang mangyari sa inyo.
At nangadilat ang kanilang mga mata. At mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila, na sinasabi, Ingatan ninyong sinoma'y huwag makaalam nito.
Datapuwa't sila'y nagsialis, at kanilang inilathala ang kaniyang kabantugan sa buong lupang yaon.