At sa pagbalik ni Jesus, ay sinalubong siyang may galak ng karamihan; sapagka't hinihintay siya nilang lahat.
At narito, lumapit ang isang lalaking nagngangalang Jairo, at siya'y isang pinuno sa sinagoga: at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus, at ipinamamanhik sa kaniya, na pumasok sa kaniyang bahay;
Sapagka't siya'y may isang bugtong na anak na babae, na may labingdalawang taong gulang, at siya'y naghihingalo. Datapuwa't samantalang siya'y lumalakad ay sinisiksik siya ng karamihan.
At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan, na ginugol sa mga manggagamot ang lahat niyang pagkabuhay, at sinoma'y walang makapagpagaling sa kaniya,
Ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit at pagdaka'y naampat ang kaniyang agas.
At sinabi ni Jesus, Sino ang humipo sa akin? At nang tumatanggi ang lahat, ay sinabi ni Pedro, at ng mga kasamahan niya, Guro, iniimpit ka at sinisiksik ka ng karamihan.
Datapuwa't sinabi ni Jesus, May humipo sa akin, sapagka't naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.
At nang makita ng babae na siya'y hindi nalingid, ay lumapit siya na nangangatal, at nagpatirapa sa harapan niya na isinasaysay sa harapan ng buong bayan ang dahil kung bakit siya'y hinipo niya, at kung paanong gumaling siya kapagdaka.
At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.
Samantalang nagsasalita pa siya ay dumating ang isa na mula sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae; huwag mong bagabagin ang Guro.
Datapuwa't nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kaniya, Huwag kang matakot: manampalataya ka lamang, at siya'y gagaling.
At nang dumating siya sa bahay, ay hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinomang tao, maliban na kay Pedro, at kay Juan, at kay Santiago, at ang ama ng dalaga at ang ina nito.
At tumatangis ang lahat, at pinananambitanan ang dalaga: datapuwa't sinabi niya, Huwag kayong magsitangis; sapagka't siya'y hindi patay, kundi natutulog.
At tinawanan nila siya na nililibak, na napagaalamang siya'y patay na.
Datapuwa't tinangnan niya sa kamay, at tinawag, na sinasabi, Dalaga, magbangon ka.
At nagbalik ang kaniyang espiritu, at siya'y nagbangon pagdaka: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain.
At nangagtaka ang kaniyang mga magulang: datapuwa't ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang kaniyang ginawa.