Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok.
At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo.
At siya'y lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan.
At nililibak si Jesus, at siya'y sinasaktan ng mga taong nangagbabantay.
At siya'y piniringan nila, at tinatanong siya, na sinasabi, Hulaan mo; sino ang sa iyo'y humampas?
At sinabi nila ang ibang maraming bagay laban sa kaniya, na siya'y inaalimura.
At nang araw na, ay nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga pangulong saserdote, at gayon din ang mga eskriba, at dinala siya sa kanilang Sanedrin, na sinasabi,
Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mo sa amin. Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Kung sabihin ko sa inyo, ay hindi ninyo ako paniniwalaan:
At kung kayo'y aking tanungin, ay hindi kayo magsisisagot.
Datapuwa't magmula ngayon ang Anak ng tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Dios.
At sinabi nilang lahat, Kung gayo'y ikaw baga ang Anak ng Dios? At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagsasabi na ako nga.
At sinabi nila, Ano pa ang kailangan natin ng patotoo? sapagka't tayo rin ang nangakarinig sa kaniyang sariling bibig.