At si Nadab at si Abiu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ang bawa't isa sa kanila ng kanikaniyang suuban, at sinidlan nila ng apoy, at pinatungan ng kamangyan, at sila'y naghandog sa harap ng Panginoon ng ibang apoy na hindi iniutos niya sa kanila.
At sa harap ng Panginoon ay may lumabas na apoy, at sinupok sila; at namatay sila sa harap ng Panginoon.
Nang magkagayo'y sinabi ni Moises kay Aaron, Ito ang sinalita ng Panginoon, na sinasabi, Ako'y babanalin ng mga lumalapit sa akin, at sa harap ng buong bayan ay luluwalhatiin ako. At si Aaron ay hindi umimik.
At tinawag ni Moises si Misael at si Elzaphan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, Magsilapit kayo, ilabas ninyo ang inyong mga kapatid sa kampamento mula sa harap ng santuario.
Sa gayo'y lumapit sila, at kanilang binuhat sa kanilang mga kasuutan na inilabas sa kampamento, gaya ng sinabi ni Moises.
At sinabi ni Moises kay Aaron, at kay Eleazar at kay Itamar na kaniyang mga anak, Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o hapakin man ninyo ang inyong bihisan; upang huwag kayong mamatay at ng siya'y huwag magalit laban sa buong kapisanan: kundi ang inyong mga kapatid, ang buong sangbahayan ni Israel ay tumaghoy sa apoy na pinapagalab ng Panginoon.
At huwag kayong lalabas sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, baka kayo'y mamatay: sapagka't ang langis na pang-pahid ng Panginoon ay nasa ulo ninyo. At kanilang ginawa ayon sa salita ni Moises.
At sinalita ng Panginoon kay Aaron, na sinasabi,
Huwag iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak man, pagka kayo'y papasok sa tabernakulo ng kapisanan, upang kayo'y huwag mamatay: magiging palatuntunang walang hanggan sa buong panahon ng inyong mga lahi:
At upang inyong malagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, at ang karumaldumal at ang malinis:
At upang inyong maituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng palatuntunang sa kanila'y sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.