Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 4:8-30

JUAN 4:8-30 ABTAG

Sapagka't napasa bayan ang kaniyang mga alagad upang magsibili ng pagkain. Sinabi nga sa kaniya ng babaing Samaritana, Paano ngang ikaw, na isang Judio, ay humingi ng maiinom sa akin, na ako'y babaing Samaritana? (Sapagka't hindi nangakikipagusap ang mga Judio sa mga Samaritano.) Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Kung napagkikilala mo ang kaloob ng Dios, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, Painumin mo ako; ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buhay. Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, wala kang sukat isalok ng tubig, at malalim ang balon: saan nga naroon ang iyong tubig na buhay? Dakila ka pa baga sa aming amang si Jacob, na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang mga hayop? Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Ang bawa't uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw: Datapuwa't ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni't ang tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan. Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, ibigay mo sa akin ang tubig na ito, upang ako'y huwag mauhaw, ni pumarito man sa ganito kalayo upang umigib pa. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa, at pumarito ka. Sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, Wala akong asawa. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Mabuti ang pagkasabi mo, Wala akong asawa: Sapagka't nagkaroon ka na ng limang asawa; at ang nasa iyo ngayon ay hindi mo asawa: dito'y sinabi mo ang katotohanan. Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, napaghahalata kong ikaw ay isang propeta. Nagsisamba ang aming mga magulang sa bundok na ito; at sinasabi ninyo, na sa Jerusalem ay siyang dakong kinakailangang pagsambahan ng mga tao. Sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Babae, paniwalaan mo ako, na dumarating ang oras, na kahit sa bundok na ito, ni sa Jerusalem, ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin; sapagka't ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio. Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan. Sinabi sa kaniya ng babae, Nalalaman ko na paririto ang Mesias (ang tinatawag na Cristo): na pagparito niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako na nagsasalita sa iyo ay siya nga. At sa ganito'y nagsidating ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangagtaka na siya'y nakikipagsalitaan sa isang babae; gayon ma'y walang taong nagsabi, Ano ang iyong hinahanap? o, Bakit nakikipagsalitaan ka sa kaniya? Sa gayo'y iniwan ng babae ang kaniyang banga ng tubig, at napasa bayan, at sinabi sa mga tao, Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalake, na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa: mangyayari kayang ito ang Cristo? Nagsilabas sila sa bayan, at nagsisiparoon sa kaniya.

Kaugnay na Video