At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga?
At kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang Cristo.
At sa kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi.
Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili?
Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.
At sila'y sinugo buhat sa mga Fariseo.
At sa kaniya'y kanilang itinanong, at sinabi sa kaniya, Bakit nga bumabautismo ka, kung hindi ikaw ang Cristo, ni si Elias, ni ang propeta?
Sila'y sinagot ni Juan, na nagsasabi, Ako'y bumabautismo sa tubig: datapuwa't sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo nakikilala,
Siya nga ang pumaparitong sumusunod sa akin, na sa kaniya'y hindi ako karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang pangyapak.
Ang mga bagay na ito'y ginawa sa Betania, sa dako pa roon ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.
Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan!
Ito yaong aking sinasabi, Sa hulihan ko'y dumarating ang isang lalake na magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin.
At siya'y hindi ko nakilala; datapuwa't upang siya'y mahayag sa Israel, dahil dito'y naparito ako na bumabautismo sa tubig.
At nagpatotoo si Juan, na nagsasabi, Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit; at dumapo sa kaniya.