Magsitahimik kayo sa harap ko, Oh mga pulo; at mangagbagong lakas ang mga bayan: magsilapit sila; saka mangagsalita sila; tayo'y magsilapit na magkakasama sa kahatulan.
Sinong nagbangon ng isa na mula sa silanganan, na kaniyang tinawag sa katuwiran sa kaniyang paanan? siya'y nagbigay ng mga bansa sa harap niya, at pinagpuno niya siya sa mga hari; kaniyang ibinibigay sila na parang alabok sa kaniyang tabak, na parang pinaspas na dayami sa kaniyang busog.
Kaniyang hinahabol sila, at nagpatuloy na tiwasay, sa makatuwid baga'y sa daan na hindi niya dinaanan ng kaniyang mga paa.
Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali't saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga,
Nakita ng mga pulo, at nangatakot; ang mga wakas ng lupa ay nagsipanginig: sila'y nagsilapit, at nagsiparito.
Sila'y tumutulong bawa't isa sa kaniyang kapuwa; at bawa't isa'y nagsasabi sa kaniyang kapatid, Ikaw ay magpakatapang.
Sa gayo'y pinalalakas ang loob ng anluwagi ang panday-ginto, at ng pumapatag ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan, na sinasabi tungkol sa paghinang, Mabuti, at kaniyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.
Nguni't ikaw, Israel, lingkod ko, Jacob na siyang aking pinili, na binhi ni Abraham na aking kaibigan;
Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;
Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.