Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 14:15-31

EXODO 14:15-31 ABTAG

At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy na yumaon. At itaas mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo; at ang mga anak ni Israel ay dadaan sa gitna ng dagat sa ibabaw ng lupang tuyo. At ako, narito, aking papagmamatigasin ang puso ng mga Egipcio at susundan nila sila: at ako'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa buo niyang hukbo, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo. At malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon, pagka ako ay nakapagimbot ng karangalan kay Faraon, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo. At ang anghel ng Dios na nasa unahan ng kampamento ng Israel, ay humiwalay at napasa hulihan nila; at ang haliging ulap ay humiwalay sa harap nila at lumagay sa likod nila: At lumagay sa pagitan ng kampamento ng Egipto at ng kampamento ng Israel; at mayroong ulap at kadiliman, gayon ma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag. At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat; at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silanganan ng buong magdamag, at ang dagat ay pinapaging tuyong lupa at ang tubig ay nahawi. At ang mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa: at ang tubig ay naging isang kuta sa kanila, sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa. At hinabol sila ng mga Egipcio, at nagsipasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ni Faraon, ang kaniyang mga karro, at ang kaniyang mga nangangabayo. At nangyari, sa pagbabantay sa kinaumagahan, na minasdan ng Panginoon ang hukbo ng mga Egipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Egipcio. At inalisan ng gulong ang kanilang mga karro, na kanilang hinila ng buong hirap: na ano pa't sinabi ng mga Egipcio, Tumakas tayo sa harap ng Israel: sapagka't ipinakikipaglaban sila ng Panginoon sa mga Egipcio. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Iunat mo ang iyong kamay sa dagat, upang ang tubig ay tumabon sa mga Egipcio, sa kanilang mga karro, at sa kanilang mga nangangabayo. At iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dagat, at ang dagat ay nagsauli sa kaniyang dating lakas, nang umumaga; at ang mga Egipcio ay nagsitakas, at nilaginlin ng Panginoon ang mga Egipcio sa gitna ng dagat. At ang tubig ay nagsauli, at tinakpan ang mga karro, at ang mga nangangabayo, sa makatuwid baga'y ang buong hukbo ni Faraon na pumasok na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila. Datapuwa't ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig sa kanila ay naging isang kuta sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa. Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel ng araw na yaon sa kamay ng mga Egipcio; at nakita ng Israel ang mga Egipcio na mga patay sa tabi ng dagat. At nakita ng Israel ang dakilang gawa, na ginawa ng Panginoon sa mga Egipcio, at ang bayan ay natakot sa Panginoon: at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa kaniyang lingkod na kay Moises.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa EXODO 14:15-31