At nang si Faraon ay nalalapit, ay itiningin ng mga anak ni Israel ang kanilang mga mata, at, narito, ang mga Egipcio ay sumusunod sa kanila; at sila'y natakot na mainam: at ang mga anak ni Israel ay humibik sa Panginoon.
At kanilang sinabi kay Moises, Dahil ba sa walang libingan sa Egipto, kung kaya dinala mo kami rito upang mamatay sa ilang? bakit ka gumawa ng ganito sa amin, na inilabas mo kami sa Egipto?
Di ba ito ang sinalita namin sa iyo sa Egipto, na sinasabi, Pabayaan mo kami na makapaglingkod sa mga Egipcio? Sapagka't lalong mabuti sa amin ang maglingkod sa mga Egipcio kay sa kami ay mamatay sa ilang.
At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot, tumigil kayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na gagawin sa inyo ngayon: sapagka't ang mga Egipcio na inyong nakikita ngayon, ay hindi na ninyo uli makikita magpakailan man.
Ipakikipaglaban kayo ng Panginoon, at kayo'y tatahimik.
At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bakit humihibik ka sa akin? salitain mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy na yumaon.
At itaas mo ang iyong tungkod, at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo; at ang mga anak ni Israel ay dadaan sa gitna ng dagat sa ibabaw ng lupang tuyo.
At ako, narito, aking papagmamatigasin ang puso ng mga Egipcio at susundan nila sila: at ako'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa buo niyang hukbo, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo.
At malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon, pagka ako ay nakapagimbot ng karangalan kay Faraon, sa kaniyang mga karro, at sa kaniyang mga nangangabayo.
At ang anghel ng Dios na nasa unahan ng kampamento ng Israel, ay humiwalay at napasa hulihan nila; at ang haliging ulap ay humiwalay sa harap nila at lumagay sa likod nila:
At lumagay sa pagitan ng kampamento ng Egipto at ng kampamento ng Israel; at mayroong ulap at kadiliman, gayon ma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.