Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ANG MGA GAWA 2:1-22

ANG MGA GAWA 2:1-22 ABTAG

At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako. At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan. At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila. At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain. May mga nagsisitahan nga sa Jerusalem na mga Judio, mga lalaking religioso, na buhat sa bawa't bansa sa ilalim ng langit. At nang marinig ang ugong na ito, ay nangagkatipon ang karamihan, at nangamaang, sapagka't sa kanila'y narinig ng bawa't isa na sinasalita ang kaniyang sariling wika. At silang lahat ay nangagtaka at nagsipanggilalas, na nangagsasabi, Narito, hindi baga mga Galileong lahat ang mga nagsisipagsalitang ito? At bakit nga naririnig ng bawa't isa sa atin, ang ating sariling wikang kinamulatan? Tayong mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at ang nangananahan sa Mesapotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia, Sa Frigia at Pamfilia, sa Egipto at sa mga sakop ng Libia na karatig ng Cirene at mga nakikipamayang galing sa Roma, mga Judio, at gayon din ang mga naging Judio, Mga Cretense at mga Arabe, ay nangaririnig nating nagsisipagsalita sila sa ating mga wika ng mga makapangyarihang gawa ng Dios. At silang lahat ay nangagtaka at nangalito, na sinasabi ng isa sa isa, Anong kahulugan nito? Datapuwa't ang mga iba'y nanganglilibak na nangagsabi, Sila'y puno ng bagong alak. Datapuwa't pagtindig ni Pedro na kasama ang labingisa, ay itinaas ang kaniyang tinig, at sa kanila'y nagsaysay, na sinasabing, Kayong mga lalaking taga Judea, at kayong lahat na nangananahan sa Jerusalem, mangaalaman nawa ninyong lahat ito, at inyong pakinggan ang aking mga salita. Sapagka't ang mga ito'y hindi mga lasing, na gaya ng inyong inaakala; yamang ngayo'y oras na ikatlo lamang ng araw; Datapuwa't ito'y yaong sinalita na sa pamamagitan ng propeta Joel: At mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Dios, Na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman: At ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, At ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain, Ang inyong mga matatanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip: Oo't sa aking mga lingkod na lalake at sa aking mga lingkod na babae, sa mga araw na yaon Ibubuhos ko ang aking Espiritu; at magsisipanghula sila. At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas, At mga tanda sa lupa sa ibaba, Dugo, at apoy, at singaw ng usok: Ang araw ay magiging kadiliman, At ang buwan ay dugo, Bago dumating ang araw ng Panginoon, Yaong araw na dakila at tangi: At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas. Kayong mga lalaking taga Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga Nazaret, lalaking pinatunayan ng Dios sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan at mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Dios sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya rin ng nalalaman ninyo