At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako.
At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan.
At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila.
At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain.
May mga nagsisitahan nga sa Jerusalem na mga Judio, mga lalaking religioso, na buhat sa bawa't bansa sa ilalim ng langit.
At nang marinig ang ugong na ito, ay nangagkatipon ang karamihan, at nangamaang, sapagka't sa kanila'y narinig ng bawa't isa na sinasalita ang kaniyang sariling wika.
At silang lahat ay nangagtaka at nagsipanggilalas, na nangagsasabi, Narito, hindi baga mga Galileong lahat ang mga nagsisipagsalitang ito?
At bakit nga naririnig ng bawa't isa sa atin, ang ating sariling wikang kinamulatan?
Tayong mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at ang nangananahan sa Mesapotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia,
Sa Frigia at Pamfilia, sa Egipto at sa mga sakop ng Libia na karatig ng Cirene at mga nakikipamayang galing sa Roma, mga Judio, at gayon din ang mga naging Judio,
Mga Cretense at mga Arabe, ay nangaririnig nating nagsisipagsalita sila sa ating mga wika ng mga makapangyarihang gawa ng Dios.
At silang lahat ay nangagtaka at nangalito, na sinasabi ng isa sa isa, Anong kahulugan nito?
Datapuwa't ang mga iba'y nanganglilibak na nangagsabi, Sila'y puno ng bagong alak.