Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ANG MGA GAWA 16:16-33

ANG MGA GAWA 16:16-33 ABTAG

At nangyari, na nang kami'y nagsisiparoon sa mapapanalanginan, ay sinalubong kami ng isang dalagang may karumaldumal na espiritu ng panghuhula, at nagdadala ng maraming pakinabang sa kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng panghuhula. Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin at nagsisigaw, na sinasabi, Mga alipin ng Kataastaasang Dios ang mga taong ito, na nagsisipangaral sa inyo ng daan ng kaligtasan. At maraming mga araw na ginawa niya ito. Datapuwa't palibhasa'y si Pablo ay totoong nababagabag, ay lumingon at sinabi sa espiritu, Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo na lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas nang oras ding yaon. Datapuwa't nang makita ng kaniyang mga panginoon na wala na ang inaasahan nilang kapakinabangan, ay hinuli nila si Pablo at si Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga may kapangyarihan, At nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, Ang mga lalaking ito, palibhasa'y mga Judio, ay nagsisipanggulong totoo sa ating bayan, At nangaghahayag ng mga kaugaliang hindi matuwid nating tanggapin, o gawin, palibhasa tayo'y Romano. At samasamang nagsitindig ang karamihan laban sa kanila: at hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit, at ipinapalo sila ng mga panghampas. At nang sila'y mapalo na nila ng marami, ay ipinasok sila sa bilangguan, na ipinagtatagubilin sa tagapamahala na sila'y bantayang maigi: Na, nang tanggapin nito ang gayong tagubilin, ay ipinasok sila sa kalooblooban ng bilangguan, at piniit ang kanilang mga paa sa mga pangawan. Datapuwa't nang maghahatinggabi na si Pablo at si Silas ay nagsipanalangin at nagsiawit ng mga himno sa Dios, at sila'y pinakikinggan ng mga bilanggo; At kaginsaginsa'y nagkaroon ng isang malakas na lindol, ano pa't nangagsiuga ang mga patibayan ng bahay-bilangguan: at pagdaka'y nangabuksan ang lahat ng mga pinto; at nangakalas ang mga gapos ng bawa't isa. At ang tagapamahala, palibhasa'y nagising sa pagkakatulog at nang makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, ay binunot ang kaniyang tabak at magpapakamatay sana, sa pagaakalang nangakatakas na ang mga bilanggo. Datapuwa't sumigaw si Pablo ng malakas na tinig, na sinasabi, Huwag mong saktan ang iyong sarili: sapagka't nangaririto kaming lahat. At siya'y humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at, nanginginig sa takot, ay nagpatirapa sa harapan ni Pablo at ni Silas, At sila'y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas? At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan. At sa kaniya'y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay. At sila'y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka'y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya.