At si Josaphat ay tumayo sa kapisanan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harap ng bagong looban;
At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng aming mga magulang, di ba ikaw ay Dios sa langit? at di ba ikaw ay puno sa lahat na kaharian ng mga bansa? at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at lakas, na anopa't walang makahaharap sa iyo.
Di mo ba pinalayas, Oh aming Dios, ang mga nananahan sa lupaing ito sa harap ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailan man?
At nagsitahan sila roon at ipinagtayo ka ng santuario roon na ukol sa iyong pangalan, na sinasabi,
Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak ng kahatulan, o salot, o kagutom, kami ay magsisitayo sa harap ng bahay na ito, at sa harap mo, (sapagka't ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito,) at kami ay dadaing sa iyo sa aming pagdadalamhati, at kami ay iyong didinggin at ililigtas.
At ngayon, narito, ang mga anak ni Ammon at ni Moab, at ng sa bundok ng Seir na hindi mo ipinalusob sa Israel, nang sila'y magsilabas sa lupain ng Egipto, kundi kanilang nilikuan sila, at hindi sila nilipol;
Tingnan mo, kung paanong sila'y gumaganti sa amin, na nagsisiparito upang palayasin kami sa iyong pagaari, na iyong ibinigay sa amin upang manahin.
Oh aming Dios, hindi mo ba hahatulan sila? sapagka't wala kaming kaya laban sa malaking pulutong na ito na naparirito laban sa amin, ni hindi man nalalaman namin kung anong marapat gawin; nguni't ang aming mga mata ay nasa iyo.