At itinayo ni Salomon ang kaniyang sariling bahay na labing tatlong taon, at kaniyang nayari ang kaniyang buong bahay.
Sapagka't kaniyang itinayo ang bahay na kahoy sa gubat ng Libano; ang haba'y isang daang siko, at ang luwang ay limang pung siko, at ang taas ay tatlong pung siko, sa apat na hanay na haliging sedro na may sikang na sedro sa ibabaw ng mga haligi.
At binubungan ng sedro sa ibabaw ng apat na pu't limang sikang, na nasa ibabaw ng mga haligi; labing lima sa isang hanay.
At may mga dungawan sa tatlong grado, at ang liwanag ng mga yaon ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.
At ang lahat na pintuan at mga haligi ay pawang parisukat ang anyo: at ang mga liwanag ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.
At siya'y gumawa ng portiko na may mga haligi: ang haba niyao'y limang pung siko, at ang luwang niyao'y tatlong pung siko, at may isang portiko na nasa harap ng mga yaon; at mga haligi at sikang ang nangasa harap ng mga yaon.
At kaniyang ginawa ang portiko ng luklukan na kaniyang paghuhukuman, sa makatuwid baga'y ang portiko ng hukuman: at nababalot ng sedro sa lapag at lapag.
At ang kaniyang bahay na tahanan, ibang looban sa loob ng portiko ay sa gayon ding gawa. Kaniyang iginawa rin naman ng bahay ang anak na babae ni Faraon (na naging asawa ni Salomon) na hawig portikong ito.
Ang lahat na ito'y mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, na nilagari ng mga lagari, sa labas at sa loob, mula sa mga tatagang-baon hanggang sa kataastaasan, at gayon sa labas hanggang sa malaking looban.
At ang tatagang-baon ay mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga malaking bato, mga batong may sangpung siko, at mga batong may walong siko.
At sa ibabaw ay may mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, at kahoy na sedro.
At ang malaking looban sa palibot ay may tatlong hanay ng batong tabas, at isang hanay na sikang na sedro; gaya ng pinakaloob na looban ng bahay ng Panginoon, at ng portiko ng bahay.