Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

RUTH 2:3-13

RUTH 2:3-13 ABTAG01

Kaya't siya'y umalis. Siya'y dumating, at namulot sa bukid sa likuran ng mga nag-aani. Nagkataong nakarating siya sa bahagi ng lupa na pag-aari ni Boaz, na kabilang sa angkan ni Elimelec. At narito, si Boaz ay nakarating mula sa Bethlehem, at sinabi niya sa mga nag-aani, “Ang PANGINOON ay sumainyo!” At sila'y sumagot, “Pagpalain ka nawa ng PANGINOON.” Pagkatapos ay sinabi ni Boaz sa kanyang lingkod na kanyang tagapamahala sa mga nag-aani, “Kaninong dalaga ito?” Ang lingkod na tagapamahala sa mga nag-aani ay sumagot, “Siya'y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Naomi mula sa lupain ng Moab. Kanyang sinabi, ‘Ipinapakiusap ko na pamulutin at pagtipunin mo ako sa gitna ng mga bigkis sa likuran ng mga nag-aani.’ Sa gayo'y pumaroon siya at nagpatuloy, mula sa umaga hanggang ngayon, na hindi nagpapahinga kahit na sandali.” Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz kay Ruth, “Makinig kang mabuti, anak ko. Huwag kang mamulot sa ibang bukid, o umalis dito, kundi manatili kang malapit sa aking mga alilang babae. Itanaw mo ang iyong paningin sa bukid na kanilang inaanihan, at sumunod ka sa kanila. Inutusan ko na ang mga kabataang lalaki na huwag ka nilang gagambalain. At kapag ikaw ay nauuhaw, pumunta ka sa mga banga, at uminom ka sa inigib ng mga kabataang lalaki.” Nang magkagayo'y nagpatirapa si Ruth at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kanya, “Bakit ako nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin upang ako'y iyong pansinin, gayong ako'y isang dayuhan?” Ngunit sinabi ni Boaz sa kanya, “Ipinaalam sa akin ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula sa pagkamatay ng iyong asawa, at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang sinilangan mo, at ikaw ay pumarito sa bayan na hindi mo nalalaman noon. Gantihan nawa ng PANGINOON ang iyong ginawa, at bigyan ka nawa ng lubos na gantimpala ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na sa ilalim ng kanyang mga pakpak ikaw ay nanganlong.” Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Makatagpo nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagkat ako'y iyong inaliw at may kabaitang pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako'y hindi isa sa iyong mga alila.”