Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

RUTH 2:14-23

RUTH 2:14-23 ABTAG01

Sa oras ng pagkain ay sinabi ni Boaz sa kanya, “Halika, at kumain ka ng tinapay. Isawsaw mo sa suka ang iyong tinapay.” Siya nga'y umupo sa tabi ng mga nag-aani at iniabot niya sa kanya ang sinangag na trigo, siya'y kumain, nabusog, at mayroon pa siyang hindi naubos. Nang siya'y tumindig upang mamulot ng inani, iniutos ni Boaz sa kanyang mga lingkod, “Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang pagbawalan. Ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis, at iwan ninyo upang kanyang pulutin, at huwag ninyo siyang sawayin.” Sa gayo'y namulot siya sa bukid hanggang sa paglubog ng araw. Nang kanyang giikin ang kanyang mga napulot, iyon ay halos isang efa ng sebada. Kanyang dinala ito at siya'y pumunta sa lunsod; at nakita ng kanyang biyenan ang kanyang mga pinulot. Inilabas rin niya at ibinigay sa kanyang biyenan ang pagkaing lumabis sa kanya pagkatapos na siya'y nabusog. Sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, “Saan ka namulot ngayon? At saan ka nagtrabaho? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo.” Kaya't sinabi niya sa kanyang biyenan kung kanino siya nagtrabaho, “Ang pangalan ng taong pinagtrabahuhan ko ngayon ay Boaz.” Sinabi ni Naomi sa kanyang manugang, “Pagpalain nawa siya ng PANGINOON, na hindi ipinagkait ang kanyang kagandahang-loob sa mga buháy at sa mga patay.” At sinabi sa kanya ni Naomi, “Ang lalaking iyon ay isa nating kamag-anak, isa sa pinakamalapit nating kamag-anak.” Sinabi ni Ruth na Moabita, “Bukod pa rito sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ay manatiling malapit sa aking mga lingkod hanggang sa kanilang matapos ang aking ani.’” Sinabi ni Naomi kay Ruth na kanyang manugang, “Mabuti, anak ko, na ikaw ay lumabas na kasama ng kanyang mga alilang babae. Baka gawan ka ng hindi mabuti sa ibang bukid.” Sa gayo'y nanatili siyang malapit sa mga alilang babae ni Boaz, upang mamulot hanggang sa katapusan ng pag-aani ng sebada at pag-aani ng trigo; at siya'y nanirahang kasama ng kanyang biyenan.