Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

APOCALIPSIS 20:4-9

APOCALIPSIS 20:4-9 ABTAG01

Nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo kay Jesus, at dahil sa salita ng Diyos, at ang mga hindi sumamba sa halimaw, o sa kanyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon. Ang mga iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa natapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na muli. Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli! Sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon. At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan, at lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lunsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok.