Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

APOCALIPSIS 11:13-19

APOCALIPSIS 11:13-19 ABTAG01

At nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit. Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating. At hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit na nagsasabi, “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo, at siya'y maghahari magpakailanpaman.” At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos, na nagsasabi, “Pinasasalamatan ka namin, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang ngayon at ang nakaraan, sapagkat kinuha mo ang iyong dakilang kapangyarihan, at ikaw ay naghari. Nagalit ang mga bansa, ngunit dumating ang iyong poot, at ang panahon upang hatulan ang mga patay, at upang bigyan ng gantimpala ang iyong mga alipin, ang mga propeta, at ang mga banal, at ang mga natatakot sa iyong pangalan, ang mga hamak at dakila, at upang puksain mo ang mga pumupuksa sa lupa.” At nabuksan ang templo ng Diyos na nasa langit at nakita sa kanyang templo ang kaban ng kanyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, ng mga tinig, ng mga kulog, ng lindol, at mabigat na yelong ulan.