Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 139:1-12

MGA AWIT 139:1-12 ABTAG01

O PANGINOON, siniyasat mo ako at nakilala mo ako. Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo; nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo. Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko, at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo. Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko, O PANGINOON, lahat ng iyon ay alam mo. Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan, at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay. Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin; ito ay matayog, hindi ko kayang abutin. Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas mula sa harapan mo? Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon! Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon! Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga, at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira, doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay, at hahawakan ako ng iyong kanang kamay. Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim, at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,” kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo, at ang gabi ay kasinliwanag ng araw; ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.