Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 105:1-22

MGA AWIT 105:1-22 ABTAG01

O magpasalamat kayo sa PANGINOON, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan; ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan! Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri; sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa! Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan; magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa PANGINOON. Hanapin ninyo ang PANGINOON at ang kanyang kalakasan; patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha! Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa; ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig, O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya, mga anak ni Jacob, na mga pinili niya! Siya ang PANGINOON nating Diyos; ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa. Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman, ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi, ang tipan na kanyang ginawa kay Abraham, ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac, na kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin, sa Israel bilang isang walang hanggang tipan, na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, bilang iyong bahaging pinakamana.” Nang sila'y iilan lamang sa bilang; at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan; na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan. Hindi niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan; sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili: “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran; ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.” At siya'y nagdala ng taggutom sa lupain; binali niya ang bawat tungkod ng tinapay, siya'y nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila, si Jose na ipinagbili bilang alipin. Ang kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala, siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal; hanggang sa ang kanyang salita ay maganap; siya ay sinubok ng salita ng PANGINOON. Ang hari ay nagsugo at pinakawalan siya; ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya, kanyang ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan, at pinuno ng lahat niyang ari-arian, upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais, at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA AWIT 105:1-22