Ang mga salita ng aking bibig ay pawang katuwiran;
sa kanila'y walang liko o baluktot man.
Sa kanya na nakakaunawa ay pawang makatuwiran,
at wasto sa kanila na nakakatagpo ng kaalaman.
Sa halip na pilak, ang kunin mo'y ang aking aral;
at sa halip na dalisay na ginto ay ang kaalaman.
Sapagkat mabuti kaysa alahas ang karunungan,
at lahat ng maaari mong naisin, sa kanya'y di maipapantay.
Akong karunungan ay nakatirang kasama ng katalinuhan,
at natatagpuan ko ang kaalaman at tamang kahatulan.
Ang takot sa PANGINOON ay pagkamuhi sa kasamaan.
Ang kapalaluan, kahambugan, landas ng kasamaan,
at ang masamang pananalita ay aking kinasusuklaman.
Mayroon akong payo at magaling na karunungan,
ako'y may kaunawaan, ako'y may kalakasan.
Naghahari ang mga hari sa pamamagitan ko,
at naggagawad ng katarungan ang mga pangulo.
Sa pamamagitan ko ay namumuno ang mga pangulo,
at namamahala sa lupa ang mararangal na tao.
Iniibig ko silang sa akin ay umiibig,
at ako'y natatagpuan ng humahanap sa aking masigasig.
Nasa akin ang mga kayamanan at dangal,
ang kayamanan at kasaganaang tumatagal.
Ang bunga ko ay mas mabuti kaysa ginto, kaysa gintong mainam,
at maigi kaysa piling pilak ang aking pakinabang.
Lumalakad ako sa daan ng katuwiran,
sa mga landas ng katarungan,
upang aking bigyan ng yaman ang sa aki'y nagmamahal,
at upang aking mapuno ang kanilang kabang-yaman.
Inari ako ng PANGINOON sa pasimula ng lakad niya,
bago pinasimulan ang kanyang mga gawa ng una.
Ako'y inilagay mula ng walang pasimula,
noong una, bago pa man nilikha ang lupa.
Ako'y nailabas na nang wala pang mga kalaliman;
nang wala pang masaganang tubig mula sa mga bukal.
Bago pa ang mga bundok ay hinugisan,
bago ang mga burol, ako'y isinilang,
nang hindi pa niya nagagawa ang lupa, ni ang mga parang man,
ni ang pasimula man ng alabok ng sanlibutan.
Naroroon na ako nang kanyang itatag ang kalangitan,
nang siya'y maglagay ng bilog sa ibabaw ng kalaliman,
nang kanyang pagtibayin ang langit sa kaitaasan,
nang kanyang patatagin ang mga bukal ng kalaliman,
nang itakda niya sa dagat ang kanyang hangganan,
upang huwag suwayin ng tubig ang kanyang kautusan,
nang ang mga saligan ng lupa'y nilagyan niya ng palatandaan,
nasa tabi nga niya ako na gaya ng punong manggagawa;
at ako ang kanyang pang-araw-araw na ligaya,
na laging nagagalak sa harapan niya,
nagagalak sa kanyang lupang tinatahanan,
at sa mga anak ng mga tao ay nasisiyahan.
At ngayon, mga anak ko, ako'y inyong pakinggan,
mapapalad ang nag-iingat ng aking mga daan.
Makinig kayo sa turo, at magpakatalino,
at huwag ninyong pababayaan ito.
Mapalad ang taong nakikinig sa akin,
na nagbabantay araw-araw sa aking mga tarangkahan,
na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.
Sapagkat ang nakakatagpo sa akin, ay nakakatagpo ng buhay,
at biyaya mula sa PANGINOON ay kanyang makakamtan.
Ngunit siyang nagkakasala laban sa akin ay sarili niya ang sinasaktan;
lahat ng namumuhi sa akin ay umiibig sa kamatayan.”