Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

FILIPOS 2:1-18

FILIPOS 2:1-18 ABTAG01

Kaya nga kung mayroong anumang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung mayroong anumang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anumang pagkagiliw at habag, ay lubusin ninyo ang aking tuwa sa pagkakaroon ng gayunding pag-iisip, magtaglay ng gayunding pag-ibig, na magkaisa ng diwa, at may isa lamang pag-iisip. Huwag ninyong gawin ang anuman sa pagpapaligsahan o pagmamataas, kundi sa kababaan, ituring na ang iba ay higit na mabuti kaysa inyong sarili. Huwag tingnan ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng iba. Magkaroon kayo sa inyo ng ganitong pag-iisip na na kay Cristo Jesus din naman, na siya, bagama't nasa anyo ng Diyos, ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan ang pagiging kapantay ng Diyos, kundi hinubaran niya ang kanyang sarili at kinuha ang anyong alipin na naging katulad ng tao. At palibhasa'y natagpuan sa anyo ng tao, siya'y nagpakababa sa kanyang sarili, at naging masunurin hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan man sa krus. Kaya siya naman ay itinaas ng Diyos, at siya'y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan; upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod, sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa, at ipahayag ng bawat dila na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama. Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod, hindi lamang sa harapan ko, kundi higit ngayon na ako'y hindi ninyo kasama, ay isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig; sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang pabulong-bulong at pagtatalo, upang kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang salinlahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad ng mga ilaw sa sanlibutan, na nanghahawakan sa salita ng buhay upang may ipagkapuri ako sa araw ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan. Oo, kahit ako'y ibuhos bilang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y natutuwa at nakikigalak sa inyong lahat. At sa gayunding paraan kayo'y natutuwa at nakikigalak sa akin.