Si Pablo, bilanggo ni Cristo Jesus, at si kapatid na Timoteo,
Kay Filemon na aming minamahal na kaibigan at kamanggagawa,
at kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapwa namin kawal, at sa iglesya na nasa iyong bahay:
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos kapag naaalala kita sa aking mga panalangin,
sapagkat nabalitaan ko ang iyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal at ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus.
Idinadalangin ko na ang pamamahagi ng iyong pananampalataya ay maging mabisa kapag nalaman mo ang bawat mabuting bagay na maaari nating gawin para kay Cristo.
Sapagkat ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid ko.
Dahil dito, bagama't kay Cristo ay mayroon akong sapat na lakas ng loob upang utusan kitang gawin ang kinakailangan,
gayunma'y alang-alang sa pag-ibig ay nanaisin ko pang makiusap sa iyo—akong si Pablo ay matanda na, at ngayon ay isa ring bilanggo ni Cristo Jesus.
Ako'y nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na ako'y naging kanyang ama nang ako'y nasa bilangguan.
Noon ay wala kang pakinabang sa kanya, ngunit ngayon ay kapaki-pakinabang siya sa iyo at sa akin.
Siya'y aking pinababalik sa iyo, na kasama ang aking sariling puso.
Nais kong manatili siyang kasama ko upang siya'y makatulong sa akin bilang kapalit mo sa panahon ng aking pagiging bilanggo para sa ebanghelyo.
Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot upang ang iyong kabutihang-loob ay hindi maging sapilitan kundi ayon sa sarili mong kalooban.
Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang ilang panahon, upang siya'y mapasaiyo magpakailanman;
hindi na bilang alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalung-lalo na sa akin, at gaano pa kaya sa iyo, maging sa laman at gayundin sa Panginoon.
Kaya't kung ako ay itinuturing mong kasama, tanggapin mo siya na parang ako.
Ngunit kung siya'y nagkasala sa iyo ng anuman, o may anumang utang sa iyo, ay ibilang mong utang ko na rin.
Akong si Pablo ay sumusulat nito sa pamamagitan ng aking sariling kamay: Ako ang magbabayad niyon. Hindi ko na ibig banggitin pa na utang mo sa akin pati ang iyong sarili.
Oo, kapatid, hayaan mo nang magkaroon ako ng kapakinabangan na ito mula sa iyo sa Panginoon! Sariwain mo ang aking puso kay Cristo.
Sinulatan kita na may pagtitiwala sa iyong pagsunod, yamang nalalaman ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.
Isa pa, ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo.
Binabati ka ni Epafras na aking kasamang bilanggo kay Cristo Jesus;
gayundin nina Marcos, Aristarco, Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa.
Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu.