Kaya't sila'y umakyat, at kanilang lihim na siniyasat ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Hamat.
Sila'y umakyat sa Negeb, at sila'y nakarating sa Hebron; at si Ahiman, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anak, ay naroon. (Ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto).
At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa sa kanila. Sila'y nagdala rin ng mga prutas na granada, at mga igos.
Ang dakong iyon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula doon.
At sila'y nagbalik pagkatapos na lihim na siyasatin ang lupain, sa katapusan ng apatnapung araw.
Sila'y dumating kina Moises at Aaron at sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Kadesh; at kanilang dinalhan sila ng balita at ang buong sambayanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay dumating sa lupaing iyon na kung saan ay sinugo mo kami, at tunay na iyon ay dinadaluyan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyon.
Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki; at saka aming nakita roon ang mga anak ni Anak.
Ang Amalekita ay naninirahan sa lupain ng Negeb, ang mga Heteo, ang mga Jebuseo, at ang mga Amoreo ay naninirahan sa mga bundok. Ang mga Cananeo ay naninirahan sa tabi ng dagat, at sa mga pampang ng Jordan.”
Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, “Ating akyatin agad at sakupin sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon.”
Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin.
Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao.
At nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin.”