Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 4:1-20

MARCOS 4:1-20 ABTAG01

Siya'y muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan. Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila, “Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik. At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito. Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa. Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo. Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga. Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.” At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.” Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga. At sinabi niya sa kanila, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga; upang kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad.” At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga? Ang manghahasik ay naghahasik ng salita. Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila. Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak; at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod. Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita, ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga. Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”