Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 2:1-23

MARCOS 2:1-23 ABTAG01

Nang siya'y magbalik sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya'y nasa bahay. Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita. May mga taong dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat. Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.” May ilan sa mga eskriba na nakaupo roon na nagtatanong sa kanilang mga puso, “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Siya'y lumalapastangan! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?” Pagkabatid ni Jesus sa kanyang espiritu na nagtatanong sila ng gayon sa kanilang mga sarili, agad niyang sinabi sa kanila, “Bakit nagtatanong kayo ng ganito sa inyong mga puso? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’ Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa lumpo— “Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.” Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa't namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, “Kailanma'y hindi pa tayo nakakita ng ganito!” At si Jesus ay muling lumabas sa tabi ng lawa. Nagtipon sa paligid niya ang napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. Habang siya'y naglalakad, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa tanggapan ng buwis at sinabi sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo siya at sumunod sa kanya. At nang siya'y nakaupo sa hapag-kainan sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang nakaupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad sapagkat marami silang sumunod sa kanya. Nang makita ng mga eskriba ng mga Fariseo na siya'y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Ang malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.” Noon ay nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. Sila'y lumapit at sinabi sa kanya, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, ngunit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan, samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno. Ngunit darating ang mga araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal at kung magkagayo'y mag-aayuno sila sa araw na iyon. Walang nagtatagpi ng matibay na tela sa damit na luma. Kapag gayon, babatakin ng itinagpi, ang bago mula sa luma at lalong lalaki ang punit. Walang naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kapag gayon, papuputukin ng alak ang mga balat at matatapon ang alak at masisira ang mga sisidlang balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa mga bagong sisidlang balat.” Nang isang Sabbath, nagdaraan siya sa mga bukirin ng trigo, at samantalang sila'y nagdaraan ang kanyang mga alagad ay nagsimulang pumitas ng mga uhay.