Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 13:1-23

MARCOS 13:1-23 ABTAG01

Sa paglabas niya sa templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali!” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitira ditong isa mang bato sa ibabaw ng kapwa bato na hindi ibabagsak.” Samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang lihim nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres, “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda kapag malapit nang maganap ang lahat ng mga bagay na ito?” Si Jesus ay nagsimulang magsabi sa kanila, “Mag-ingat kayo, na baka mailigaw kayo ng sinuman. Maraming darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako siya!’ at maililigaw nila ang marami. Subalit kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mabahala. Ang mga bagay na ito'y dapat mangyari ngunit hindi pa iyon ang wakas. Sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakaroon ng taggutom. Ang mga ito'y pasimula lamang ng paghihirap. Ngunit para sa inyong mga sarili, mag-ingat kayo; sapagkat kayo'y ibibigay nila sa mga Sanhedrin at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga. Kayo'y tatayo sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila. At kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. Kapag kayo'y dinala nila sa paglilitis at kayo'y ipinadakip, huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin, ngunit sabihin ninyo ang anumang ipagkaloob sa inyo sa oras na iyon, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo. Ipagkakanulo ng kapatid sa kamatayan ang kapatid at ng ama ang kanyang anak; at maghihimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila'y ipapapatay. Kayo nama'y kapopootan ng lahat dahil sa aking pangalan, ngunit ang makapagtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas. “Ngunit kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y dapat nang tumakas sa mga bundok ang mga nasa Judea. At ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba, o pumasok upang maglabas ng anuman sa kanyang bahay. Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal. Kahabag-habag ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso ng mga sanggol sa mga araw na iyon! Subalit ipanalangin ninyo na ito'y huwag nawang mangyari sa taglamig. Sapagkat sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kapighatian, na ang gayo'y hindi pa nangyari buhat sa pasimula ng paglikha na nilalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman. At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, walang taong makakaligtas, ngunit dahil sa mga hinirang na kanyang pinili, pinaikli niya ang mga araw na iyon. Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o, ‘Tingnan ninyo naroon siya!’ huwag ninyong paniwalaan. Maglilitawan ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung maaari, ang mga hinirang. Ngunit mag-ingat kayo; ipinagpauna ko nang sabihin sa inyo ang lahat ng bagay.